ISABELA, Philippines – Hindi pa man araw ng halalan pang-barangay ay isang barangay kagawad ang pinagbabaril-patay ng riding tandem sa Malibago, Echague, Isabela, kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Barangay Kagawad Lito Publico, 66-anyos at dating Kapitan sa nasabing Barangay dito sa naturang bayan.
Pasado alas 7:00 kaninang umaga ng pagbabarilin ang biktima ng hindi pa nakilalang riding in tandem criminal.
Sa pagresponde ng mga tauhan umano ni PMaj. Domer Pelo, hepe ng Echague Police Station ay nakahandusay na wala ng buhay ang nasabing biktima at nakatakas ang mga hindi pa nakilalang suspek.
Isinugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor dahil sa mga tinamong sugat sa ulo at ibang bahagi ng katawan mula sa hindi pa mabatid na uri ng baril na ginamit ng mga kriminal.
Posible di umano na may kinalaman sa nalalapit na barangay election ang pagpatay sa kasalukuyan barangay kagawad na dating kapitan sa naturang lugar.
Sa ngayon ay sumisigaw ng katarungan ang pamilya’t kamag-anak ng biktima habang pinaglalamayan na puno ng pighati at kalungkutan sa karumaldumal na pagpaslang sa barangay opisyal. (REY VELASCO)
