CEBU, Philippines – Sugatan sa ulo ang isang 15-anyos na binatilyo matapos aksidenteng pumutok umano ang baril na nililinis nila ng kanyang 16-anyos na kaibigan sa Barangay Lahug, Cebu City, nitong Martes, Nobyembre 17.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nililinis umano ng dalawang menor de edad ang isang kalibre .22 Magnum na baril nang aksidenteng makalabit ng 16-anyos ang gatilyo nito.
Tinamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo ang 15-anyos na biktima na agad isinugod sa ospital upang mabigyan ng lunas.
Inaresto naman ng mga awtoridad ang 16-anyos na binatilyo habang iniimbestigahan kung saan nito nakuha ang baril.
Ayon sa pulisya, tumanggi umanong magbigay ng impormasyon ang binatilyo tungkol sa tunay na may-ari ng baril at kung saan sana nila ito gagamitin.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng baril at ang iba pang pangyayari kaugnay ng insidente.
Wala pang inilalabas na karagdagang impormasyon hinggil sa kasalukuyang kondisyon ng biktima at kung may reklamong isasampa kaugnay ng insidente. Mary Anne Sapico