Home NATIONWIDE Barko ng PCG hinarang ng barko ng China

Barko ng PCG hinarang ng barko ng China

MANILA, Philippines – Binuntutan at hinarang ng barko ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Cabra, 170 kilometro mula sa baybayin ng Zambales.

Sa ulat, patuloy na hinaharangan ng Chinese vessel 3302 ang BRP Cabra sa kabila ng mga radio challenge.

Mayroon pang pagkakataon na nasa 16 metro na lamang ang layo ng barko ng China mula sa barko ng Pilipinas.

Sa isang video, makikita rin na nasa gilid na ng BRP Cabra ang barko ng CCG.

Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na nagawa namang maiwasan ng BRP Cabra ang banggaan.

“Dahil sa seamanship skills ng ating mga [Thanks to the seamanship skills of our] coast guard sailors, we were able to prevent them from delivering another possible collision. You can just imagine how much it would impact dito sa ating mas maliit na [the larger ship would have had on our smaller] coast guard vessel,” ayon kay Tarriela.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nilapitan ng China Coast Guard ang barko ng PCG.

Samantala, namataan ang isa pang barko ng CCG na bumubuntot sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Sa monitoring ni maritime security expert Raymond Powell, ang 134-meter CCG vessel ay lumapit sa BRP Datu Bankaw.

Namataan ang barko ng CCG sa layong 100 nautical miles mula sa Busuanga Island, Palawan.

Mayroon ding namataan na Chinese research vessel sa northern Batanes.

Wala pang tugon ang Chinese Embassy sa naturang mga isyu. RNT/JGC