MANILA, Philippines – Malapit na sa Escoda Shoal ang ipinadalang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) kapalit ng BRP Teresa Magbanua, sinabi ng National Maritime Council (NMC) nitong Sabado, Setyembre 21.
Ito ang update na ibinigay ni NMC spokesperson Undersecretary Alexander Lopez sa news forum sa Quezon City.
“Ang klaro natin, ang posisyon natin ay meron na tayong naglayag na asset ng ating gobyerno para may kapalit o magko-cover ng Sabina Shoal,” sinabi ni Lopez.
“Actually hindi lang Sabina Shoal, since sakop na natin ‘yung ibang lugar sa West Philippine Sea,” dagdag niya.
Iniulat ni Lopez na ang barko ay hindi malayong makaranas din ng harassment mula sa Chinese militia o iba pang pwersa.
“So far wala. Wala pa namang report na na-harass tayo,” ani Lopez.
Matatandaan na pinauwi ang BRP Teresa Magbanua matapos ang limang buwang pagkakaankla nito sa Escoda Shoal dahil sa kwestyonableng seaworthiness nito, kakulangan ng suplay sa mga crew, at masamang panahon.
Ang barko ay nakapwesto sa Escoda Shoal noon pang Abril dahil sa ulat ng reclamation activities ng China sa lugar.
Matapos ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua, iniulat ng Philippine Navy na mayroong 65 barko ang China sa Escoda Shoal.
Sa kabila nito, sinabi ni Philippine Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na walang control ang China sa naturang shoal, at iligal ang presensya ng mga barko ng China sa lugar. RNT/JGC