MANILA, Philippines – Mukhang hinahamon ng mga sindikato ng Bukas Kotse gang ang kapulisan sa Cavite nang muli na namang umatake ang mga ito at nambiktima ng tatlong katao sa parking area ng isang kilalang mall sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa nakalap na report, kinilala ang unang biktima na si alyas Romil, 54 ng Beyod Homes, Brgy San Francisco, General Trias City.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-9:45 kamakalawa ng gabi nang iparada ng biktima ang kanyang sasakyan sa All Home Parking Lot ng nasabing lugar upang dumalo sa isang meeting subalit pagbalik nito ay napansin na basag ang bintana sa passenger seat ng kanyang sasakyan at nawawala ang kanyang bag na naglalaman ng Macbook Air Laptop, Ipad air, 5th Gen, Huawei cellphone at cash na nagkakahalaga ng P70,000.00, mga ID at mahahalagang gamit.
Isa pang biktima na si alyas Paul, 47 ng Barangay Longos, Calumpit Bulacan ang nakapansin din na basag ang salamin ng passenger seat ng kanyang kotse at nawawala rin ang kanyang bag na naglalaman ng ilang dokumento ang mga bank cards.
Base naman sa biktima na si alyas Jobelle, dakong alas-8:30 kamakalawa ng umaga nang napansin na bahagyang bukas ang pintuan sa likurang bahagi ng kanilang bahay sa Block 22 Lot 29, Paragon Village, Brgy Cabuco, Trece Martires City, Cavite at ang kaliwang salamin ng kanyang nakaparadang kotse ay basag at nawawala rin ang kanyang Samsung tablet.
Kaagad naman silang humingi ng tulong sa pulisya kung saan nagsagawa ng backtracking sa CCTV footages ng kanilang kapitbahay at base sa naitala sa nasabing CCTV, isang alyas Christian, 21, ang nakitang bumasag ng salamin ng kanyang kotse na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Inaalam pa rin ng pulisya kung ang nadakip na suspek ay isa sa mga miyembro ng nasabing sindikato ng Bukas Kotse Gang na nambibiktina sa lalawigan. MARGIE BAUTISTA