Home OPINION BASBAS NI PBBM INAABANGAN NG MGA PULITIKO

BASBAS NI PBBM INAABANGAN NG MGA PULITIKO

SA darating na Oktubre, magsisimulang maghain ng certificate of candidacy ang mga pulitikong tatakbo sa iba’t ibang posisyon sapagkat sa Mayo sa susunod na taon gagawin ang mid-term elections.

Pero ngayon pa lang, lumalabas na ang tunay na kulay ng ilang pulitiko at kanilang mga kaalyado sapagkat kaagad na silang sumasanib sa partidong alam nilang may kakayahang suportahan sila sa aspetong pinansyal sa oras ng kampanya at syempre sa boto.

Hindi maikakaila na marami ang naniniwala at sumusuporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos dahil na rin sa maayos nitong pamumuno sa bansa at ang pagharap sa isyu sa West Philippine Sea.

Natural lang na kapag ang isang pinuno ay nagpapakita ng husay sa pagpapatakbo ng pamahalaan, hindi malayong magwagi ang mga pulitikong kanyang pipiliin, ii-endorso at susuportahan sa pagtakbo sa halalan sa susunod na taon.

Sa panig ni Pangulong BBM, siguradong batid niya kung sino-sino ang mga tatakbong pulitiko na makakatulong sa maayos na pagpapatakbo niya ng pamahalaan kaya malayong makinig siya sa sulsol o bulong ng ilang nakapaligid sa kanya na tiyak na may sariling agenda para mapili ang kanilang mamanukin.

Dahil nakalalamang tiyak sa darating na halalan ang pipiliin o ie-endorso ng Pangulong BBM, may mga hakbang na ang ilan niyang  “detractors” para sirain ang mataas na pagtingin ng taumbayan sa kanyang kakayahang mamuno.

Marami kasi ang bumilib sa Pangulo sa kanyang paninindigan sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa sa WPS kaya may ilan na dito ginigiba ang kanyang kredibilidad sa ilang mga paraan na hindi lang nakakatawa kundi nakakainis pa.

May nagsabi pa na propaganda lang daw ng Pilipinas ang pagpapakitang aping-api sa pambubully ng Chinese Coast Guard habang may nagpapakalat na ang Pilipinas lang daw ang nagpo-provoke ng giyera kaya kahit may kasunduan, pilit daw na sinusuway ito ng kasalukuyang administrasyon.

Kahit nakaiinis sa pakiramdam at isipan ang ganitong mga komento, may nakakatawa rin namang ipinakakalat na tulad ng sinasabing winiwisikan lang daw ng Chinese Coast Guard ang mga barko na nagdadala ng supply sa mga mangingisda at sundalong nagbabantay sa M/V Sierra Madre na nakasadsad sa Ayunging Shoal at hindi naman daw ito nakasasakit. Pambihira, hindi pala masakit ang maputukan ng ulo at matahi ng ilang stitches dahil sa ginagawang pag-kanyon ng tubig ng CCG.