Home OPINION BIGAS DAPAT NA BIGYANG-PANSIN

BIGAS DAPAT NA BIGYANG-PANSIN

PINAKAMAHALAGA sa lahat ng pagkain sa mga Pilipino ang bigas.

Ang bigas ang nakasanayan ng higit na nakararami na pangunahing pagkain.

Meron namang ilang lugar sa bansa na mais ang pangunahin nilang pagkain.

Para sa mga magsasaka na mais ang pangunahin nilang pagkain, nakikisabay sila sa mga magpapalay sa pagtatanim ng palay sa tag-ulan.

Pero kapag tag-araw na, mais naman ang kanilang itinatanim sa parehong mga lupain.

Ang palay o bigas, kanilang ibinebenta bilang pagkakitaan pero kung sobra ang ani nila sa mais, siyempre pa, nagbebenta rin sila ng mais.

Pero para sa mga magsasakang palay talaga ang pangunahing pagkain, kung dalawang beses ang pagtatanim, parehong palay ang itinatanim at inaani bilang pangkonsumo at pagkakitaan.

KAKAPUSIN NG BIGAS?

Ayon sa Federation of Free Farmers, kakapusin ang Pilipinas ng bigas sa susunod na mga buwan dahil mababalam ang pagtatanim.

Mababalam dahil walang makapagbubungkal ng lupa at magtatanim sa buwang ito, Mayo, sa pag-iral ng El Niño na magtatagal pa hanggang Agosto, ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Karaniwang apat na buwan ang palay mula sa binhi hanggang mahinog ang butil nito at maani.

Nangangahulugan, kung ganoon, na kung makapagtanim sana ang mga magsasaka ng palay sa Mayo, may anihan na sana sa Agosto Setyembre.

Kung sa Agosto pa magkakatag-ulan at magkakaroon ng pagtatanim, sa Nobyembre-Disyembre na ang anihan.

Ayon sa FFF, magkakaroon ng kakapusan ng bigas pagkatapos ng Hunyo at kakambal nito ang pagmamahal ng bigas?

Ayon naman sa Department of Agriculture, hindi kakapusin ang Pinas ng bigas dahil gumagana umano ang mga irigasyon at kung kakapusin man, nandiyan lang ang importasyon na pampuno.

BIGAS TIYAK MAGMAMAHAL

Anoman ang kondisyon, kakapusin o hindi dahil may importasyon, ang tiyak diyan, magmamahal ang bigas at dapat pagtuunan ito ng pansin ng pamahalaan.

Ito’y sa harap ng katotohanang nakatatakot isipin milyon-milyong Pinoy ang naghihirap.

Tingnan natin ang mga rekord dito.

Noong 2023, 22.4 porsyento mahirap sa unang bahagi ng taong 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Pero sa pinakahuling sarbey naman ng Social Weather Station, anak ng tokwa, 47 porsyento ang nagsabing mahirap sila, 33 porsyento ang pinaghalong mahirap at hindi mahirap at 20  porsyento lang ang hindi mahirap.

Kung nasa 100 milyon ang Pinoy,  22.4 milyon ang mahihirap noong 2023 pero pagdating ng 2024, 47 milyon na?

Magkaiba man ang paraan ng pagkwenta ng PSA at SWS sa katotohanan sa kahirapan, malaki talagang bahagi ng mahigit 100 milyon Pinoy ang hirap sa buhay.

At kung hirap sa buhay, katotohanan ang mga kwentong, maraming pamilya ang tipid na tipid sa pagkain hanggang sa malaman mo na lamang na minsan o dalawang beses lang kumain sa isang araw.

At ang kahirapan na kakambal ang kakapusan sa pagkain, andiyan na ang madaling pagkapit ng sakit dahil sa malnutrisyon, kawalan ng pambili ng gamot, kabobohan sa iskul  at maraming iba pang malalang problema.

Sana naman, kahit man lang sa bigas na ipinanlalaban sa gutom bunga ng kahirapan, hindi maipagkakait sa milyon-milyong mahirap dahil sa sobrang mataas na presyo nito.

Nasa kamay ng pamahalaan ang pangunahing pag-asa ng mahihirap laban sa mahal na bigas at malawakang kagutuman.