Home NATIONWIDE Baste Duterte, Itinalagang Acting Mayor ng Davao City – DILG

Baste Duterte, Itinalagang Acting Mayor ng Davao City – DILG

DAVAO, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Davao City Vice-Mayor Sebastian “Baste” Duterte na gampanan ang tungkulin bilang “acting mayor” ng Davao City sa kawalan ng kanyang ama na si dating pangulong Duterte.

Bagamat, kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte bilang Davao City mayor sa kabila ng pagliban nito, binanggit ang umiiral na mga legal na isyu na humahadlang sa kanyang pagluklok sa pwesto. 

Sa isang pahayag, idiniin ng DILG na ang kautusan ay batay sa Section 46(a) ng Local Government Code, na malinaw na nakasaad na sa mga kaso ng pansamantalang kawalan ng kakayahan, pisikal man o legal, ang bise alkalde ay awtomatikong gagampanan ang mga tungkulin at gagamitin ang kapangyarihan ng alkalde.

“You are hereby enjoined to perform the duties and functions of Mayor of Davao City to prevent paralysis of government operations,” saad ni DILG Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla sa isang liham nitong Hunyo 30.

Alinsunod sa kaparehong succession framework, itinalaga rin ng DILG ang first ranked Sangguniang Panlungsod member Rodrigo Duterte II bilang acting vice mayor.

“This is pursuant to Administrative Order No. 15, series of 2018, which lays down rules on the temporary filling of vacancies in local elective offices,’’ paliwanag ng DILG.

Ipinunto ni Remulla na binibigyang-diin ng DILG na ang aksyon ay parehong legal at kinakailangan upang matiyak ang pagpapatuloy ng pamumuno sa Davao City sa gitna ng patuloy na paglilitis na kinasasangkutan ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC). RNT/MND