CEBU CITY – ARESTADO ang isang chemical engineer matapos madakip ng mga awtoridad sa loob ng inuupahan nitong apartment na umano’y ginawa nitong shabu laboratory, iniulat kahapon, Hunyo 30 sa lungsod na ito.
Sa bisa ng search warrant nadakip ang suspek na kinilalang si Stephen Tapulada, 32, sa inuupahan nitong apartment sa D. Jakosalem Street, Barangay Zapatera, Cebu City.
Ayon kay PDEA-7 Director Alex Tablate, isinilbi ang search warrant sa suspek matapos itong ituro ng isa sa mga nahuling suspek sa Banawa.
Sinalakay ng operatiba ang isang ‘kitchen-type’ drug laboratory at nakuha sa suspek ang 59 kapsula ng hinihinalang ecstasy, isang pakete ng cocaine, pito pang pakete ng shabu, at ilang cellphone na naglalaman ng detalye ng kanyang mga transaksyon.
Sa pagsisilbi ng warrant, nadiskubre rin ang live-in partner ni Tapulada sa lugar, at kasama itong hinuli.
Bumalandra rin sa harap ng pulisya ang mga kemikal at gamit na ginagamit sa paggawa ng shabu, ecstasy, at cocaine. May ventilation pipe rin palabas ng bintana para sa amoy habang “nagluluto” ng droga.
Paliwanag ng caretaker ng apartment na si alyas Jen na dalawang taon nang nangungupahan si Tapulada at hindi nila alam na sangkot ito sa ilegal na aktibidad.
Pinaniniwalaan na ang mga produktong droga ay ipinapadala sa mga high-end clubs sa Boracay, Metro Cebu, at maging sa Zamboanga City.
Inihanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico