MANILA, Philippines – Tinawag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na isang political maneuver ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-aresto sa kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook post, inakusahan ni Baste Duterte ang administrasyong Marcos ng paggamit sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) upang ilihis ang atensyon ng publiko sa isyu ng 2025 national budget.
“Hindi ito ang Philippine National Police na nagsisilbi ng warrant dahil hindi nila maipaliwanag ang kanilang mga kilos. Isa itong political maneuver ng administrasyon ni Bongbong Marcos. Maghanda kayo anuman ang mangyari,” ani Baste Duterte. Inakusahan din niya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Nicolas Torre III ng “illegal na pagdetine at pagtanggi sa medikal na pangangalaga” para kay Rodrigo Duterte.
“Parang gusto nilang patayin ang matanda,” dagdag niya.
Inaresto si Rodrigo Duterte noong Martes ng umaga pagdating niya sa Maynila mula Hong Kong.
Kinumpirma ng Presidential Communications Office na sinilbihan siya ng warrant of arrest para sa crimes against humanity sa Villamor Air Base, kung saan kinuwestiyon niya ang kanyang detensyon.
Binasa ni CIDG chief Torre ang kanyang Miranda rights at ipinaalam ang kanyang karapatan na manahimik at magkaroon ng sariling abogado.
Iniimbestigahan ng ICC ang administrasyon ni Duterte kaugnay ng umano’y sistematikong pagpatay sa ilalim ng drug war.
Ayon sa rekord ng pulisya, 6,200 na drug suspects ang napatay mula Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021, ngunit tinatayang aabot sa 30,000 ang bilang ng mga biktima ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao. RNT