Home METRO Batang lalaki patay, ate sugatan sa adik na ama

Batang lalaki patay, ate sugatan sa adik na ama

PARANG, Maguindanao- PATAY ang isang batang lalaki habang sugatan ang kanyang ate matapos silang pagsasaksakin ng sariling ama na lango sa shabu noong Linggo sa bayang ito.

Agad na binawian ng buhay ang biktimang si Asrap Ayob, 11-anyos, grade 3-pupil habang ginagamot sa ospital ang kanyang ate na si Bai, 14-anyos, at kapwa residente ng Barangay Magsaysay Parang, Maguindanao del Norte.

Kasalukuyan naman nakakulong ang suspek at ama ng magkapatid na kinilalang si Adjis Sanday Ayob, 35, ng nasabing lugar.

Ayon kay LT COL. Christopher Cabugwang, hepe ng Parang Municipal Police Station, bandang 11:00 PM ng maganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-aamang Ayob.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang magkapatid sa loob ng kanilang bahay ng bigla na lamang silang pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan ng kanilang ama.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang 11-anyos na batang lalaki na naging sanhi agaran nitong kamatayan habang dinala naman sa ospital ang kanynag Ate para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat.

Mabilis naman nakahingi ng tulong ang mga kapitbahay ng magkapatid na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek ang nagawan krimen at sinabing nagdilim ang kanyang paningin kaya ito nagawa sa kanyang mga anak.

Ayon naman sa mga kapitbahay ng pamilya Ayob, kilalang adik sa iligal na droga ang suspek at lasenggo.

Nabatid, na ang ina ng mga biktima ay nagtatrabaho sa ibang bansa bilang OFW.

Inihanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek./Mary Anne Sapico