KIDAPAWAN CITY- KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng 15-anyos na dalagitang may problema sa pag-iisip matapos gahasain saka patayin ng suspek na isang barangay tanod noong Martes sa lungsod na ito.
Durog ang ulo at mukha habang nakalubog sa ilog ng matagpuan ang bangkay ng biktima na itinago sa pangalan Dina, sa Purok 3B, Barangay Sumbac sa nasabing lungsod.
Kinilala naman ang suspek na si Eric Lim, 37 anyos, rubber tapper, at residente ng Purok 1A ng nasabing barangay.
Batay sa report ng Kidapawan City Police Station, bandang 11:58 PM ng maganap ang krimen sa rubber farm sa nabanggit na lugar.
Sinabi ng pulisya, nakatanggap sila ng report hinggil sa pagkakatagpo sa bangkay ng biktima sa naturang lugar.
Pagdating sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakita ang bangkay ng biktima at posibleng hinampas ito ng matigas na bagay sa ulo at mukha na naging sanhi ng agaran kamatayan nito.
Ayon kay Punong Barangay Michael Sagusay, una nilang pinagtanungan ang suspek hinggil sa pangyayari at siya mismo ang nagturo na nasa ilog ang bangkay ng biktima.
Nagduda na ang mga opisyal na barangay kaya hindi na nila pinakawalan ang suspek subalit tinangka nitong tumakas subalit makalipas ang ilang minuto ay nadakip din ng mga pulis.
Habang inaaresto ang suspek bigla na lamang itong nanlaban at inagawa ang baril ng pulis dahilan para barilin ito at tinamaan sa katawan .
Dinala naman sa ospital ang suspek subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.
Ilang saksi naman ang nagsabi bago ang krimen ay nakita nila ang suspek na kasama ang biktima.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente./Mary Anne Sapico