Home METRO Batang nagpapalipad ng saranggola nakuryente

Batang nagpapalipad ng saranggola nakuryente

MANILA, Philippines – Lapnos ang balat ng 11-anyos na batang lalaki matapos makuryente nang subukan nitong tanggalin ang sumabit na saranggola sa wire ng kuryente sa Barangay Pusok, Lapu-Lapu City.

Umakyat sa bubong ng daycare center sa Sitio Matumbo ang biktimang si “Mark.”

Nagdulot ng komosyon ang insidente nang makuryente si Mark habang nasa bubong.

Ayon sa ina ng kalaro ng biktima, ilang beses na umano niyang binalaan ang mga ito sa pagpapalipad ng saranggola dahil sa mga nakalaylay na kable ng kuryente.

Sa katunayan ay binalaan pa ng isa sa mga kapitbahay ng mga ito si Mark bago umakyat ng bubong.

Nagdulot ng mabilis na pagkawala ng suplay ng kuryente ang insidente.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Office at agad na dinala ang pasyente sa Lapu-Lapu City Hospital.

Ayon sa hospital administrator, nagtamo ng second-degree burns ang bata. RNT/JGC