Home NATIONWIDE Mas mahigpit na polisiya sa kapakanan ng mga manggagawa as panahon ng...

Mas mahigpit na polisiya sa kapakanan ng mga manggagawa as panahon ng tag-init, ipinanawagan

MANILA, Philippines – Binatikos ng Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) ang Department of Labor and Employment (DOLE) Labor Advisory 08 Series of 2023 dahil sa pagiging mahina nito at walang epekto sa kapakanan ng mga manggagawa lalo na ngayong panahon ng tag-init.

“Insufficient kasi it doesn’t cover yung iba’t iba pang mga sectors. Halimbawa, one, informal sector, wala doon sa advisory,” pahayag ni Nadia De Leon, Executive Director ng IOHSAD, sa isang panayam.

“Toothless siya, very weak, kasi kapag advisory, mostly encourage ‘yun eh. Ine-encourage ang employers pero hindi talaga siya required o mandated so hindi sila accountable,” dagdag pa ni De Leon.

Sa ilalim ng labor advisory, inatasan ang mga employer na bawasan ang init sa pagbibigay ng epektibong ventilation at heat insulation, pag-adjust sa break ng mga employer para makarekober sa heat exposure, at pagbibigay ng temperature-appropriate uniforms at personal protective equipment. Kasama rin dito ang pagbibigay ng libre at sapat na inuming tubig.

Inatasan din ang mga employer na maaaring magpatupad ng flexible work arrangement sa pag-adjust ng operating hours.

Plano ng IOHSAD na makipagkita sa iba’t ibang stakeholder at DOLE para ipanawagan ang isang Department Order na may kaukulang parusa.

Umaasa din ito na ipanukala sa Kongreso ang batas na poprotekta sa mga manggagawa sa matinding init lalo na’t inaasahang mararanasan ulit ito sa mga susunod na taon.

“Mayroon kaming inoutline na heat safety na demands namin. Basically ang mga major na laman nito, one is magkaroon ng paid and compensable heat breaks…Gusto din namin siyempre maging kalakaran sa mga pabrika yung tinatawag namin na free and accesible water supply and at the same time yung shaded work areas,” ani De Leon.

Aminado naman si DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na walang kaakibat na parusa ang labor advisory.

“Ang labor advisory by its nature ay (isa) lamang paalala at giya patungkol sa OSH standards. Umaasa kami na boluntaryong tumatalima ang mga employers sa patakarang (sic) sa kalusugan at kaligtasan ng mga lugar paggawa,” sinabi ni Laguesma.

“Ganunpaman, ang paglabag ng mga takdang OSH standards ay may kaakibat na parusang multa alinsunod sa Department Order No. 198,” dagdag nito.

Binanggit ng Labor chief ang kanilang mga programa na makatutulong sa mga manggagawa, katulad ng pag-inspeksyon sa mga work place, pagsasagawa ng training at information dissemination. RNT/JGC