Home NATIONWIDE Search warrant laban sa ‘Tondo 3’ pinawalang-bisa ng SC

Search warrant laban sa ‘Tondo 3’ pinawalang-bisa ng SC

MANILA, Philippines – Idineklara ng Supreme Court (SC) na walang bisa o wala nang saysay ang search warrants na ipinatupad sa Tondo, Manila, nang arestuhin ang mga aktibistang sina Reina Mae Nasino, Ram Carlo Bautista, at Alma Moran o ang tinaguriang “Tondo 3”.

Kinatigan ng SC ang desisyon ng Court of Appeals na hindi tiyak sa search warrants ang lugar na kailangan hanapin dahil ang inilarawan lamang ay ang bahay ni Bautista.

Napansin rin ng Korte Suprema na magkakaiba-iba ang address na kailangan halughugin.

Dahil dito, nagiging bukas sa pag-abuso ng mga law enforcers ang naturang search warrant at nalihis ang tunay na dahilan ng warrant.

Ayon sa SC, nakakapagtaka rin na isinailalim rin sa search sina Moran at Nasino kahit ang address ng warrant ay tanging kay Bautista.

“Hence, it is clear from the foregoing that the latter’s right against unreasonable searches and seizures was clearly violated,” nakasaad sa resolusyon ng SC.

Ikinatuwa ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang resolusyon ng Supreme Court.

Ayon sa NUPL, isa itong tagumpay laban sa walang habas na pagsalakay sa bahay ng mga aktibista upang makagawa umano ng mga imbentong kaso.

Nitong nakaraang taon ay pinawalang sala na ng Manila RTC ang “Tondo 3” dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Buntis si Nasino ng arestuhin noong 2020. Nang manganak sa kulungan umapela si Nasino sa mababang korte na makapiling ang anak na si Baby River upang maalagaan ngunit tinangihan ito ng korte. Namatay sa kalaunan si Baby River. Teresa Tavares