MANILA, Philippines – SUPORTADO ng Malakanyang ang paghahain ng batas na magpaparusa sa mga taong nagpapakalat ng pekeng impormasyon.
“Siguro naman kahit po hindi Palasyo ang tanungin natin, gugustuhin po talaga natin na ma-ban ang fake news,” ang sinabi ni Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa Palace press briefing.
Sa katunayan, ang suhestiyon pa nga ni Castro ay iparehistro ang “all content creators” para matigil ang paglaganap ng misinformation at disinformation.
Gayunman, kailangan aniyang pag-aralang mabuti ng mga mambabatas ang ‘full scope’ ng fake news, lalo na ang depinidong kahulugan nito.
“We have to define first that there will be a law, if they will make such law, they have to define what’s fake news and what’s the limitation, how they can gauge that those statements will be considered as fake news,” ani Castro.
Samantala, ang PCO, sa ilalim ng pamumuno ni Jay Ruiz, ay nakatuon para paigtingin ang laban sa fake news sa social media.
Ani Castro, babalewalain lang kasi ng kasalukuyang administrasyon ang mga pahayag mula sa political rivals nito.
Itinanggi ni Castro na tila sinusulsulan pa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “negative campaigning” sa gitna ng mudslinging o paninirang-puri ng partido ng oposisyon.
“Unang-una po, ang sasagutin lang natin ay ‘yung mga intriga na may sense. Kung wala naman, I mean, walang meaning, walang sense, hindi po natin ito sasagutin, okay,” ang sinabi ni Castro.
“At patungkol po kung sa na-una ang Pangulo sa pagbabatikos, it’s just part of the campaign propaganda and wala naman po siyang pinatungkulan kung sino. Marami pong kandidato. Ang nagtataka lang po ulit tayo kung bakit nag-aray, hindi naman sila iyong pinatutungkulan,” dagdag na wika nito.
Samantala, pinayuhan naman ni Castro ang mga tatakbo sa midterm elections na tiyakin na kuwalipikado sila sa tinatarget nilang posisyon dahil pag-aaksaya lamang ng oras at public funds kung ang mga mananalo sa eleksyon ay pawang mga “newbies” sa politika. Kris Jose