NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. ang ilang batas na maghihiwalay sa sa iba’t ibang school extensions at i-convert ang mga ito sa independent institutions.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12057, ang Paulino Dari National High School (PDNHS) – Balong-balong Extension sa Pitogo, Zamboanga Del Sur ay ihihiwalay mula sa PDNHS at itatatag ito bilang isang independent school. Papangalanan ito bilang Balong-balong National High School.
Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ng Republic Act No. 12058 na ihiwalay ang Bacungan National High School-Sipakong Extension sa Leon B. Postigo, Zamboanga Del Norte, na papangalanan naman bilang Sipakong National High School.
Sa pamamagitan naman ng Republic Act No. 12059, ihihiwalay ang Lapuyan NHS-Pampang Extension sa Lapuyan, Zamboanga Del Sur. Tatawagin itong Pampang NHS.
“The creation of the new and independent NHS shall absorb all of their personnel, assets, liabilities, and records,” ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
“The initial funding of these schools shall be charged against its former institutions’ current year appropriation,” ang sinabi pa rin ng PCO.
Bukod dito, ang halagang kakailanganin para sa pagpapatuloy ng operasyon ng eskuwelahan ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA).
Nagpalabas din ang Pangulo ng Republic Act No. 12060, pagtatatag sa Tiblawan NHS sa Davao Oriental. Ang pondo ay isasama sa taunang national budget.
Samantala, inatasan naman ni Pangulong Marcos ang Department of Education (DepEd) na kaagad na isama ang operationalization ng apat na eskuwelahan sa programa ng departamento.
Ang lahat ng batas ay tinintahan ng Punong Ehekutibo noong October 31, 2024 at magiging epektibo 15 araw matapos ang paglalathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may general circulation. Kris Jose