Home METRO Bato: DOJ ‘di makokontrol sa pakikipag-ugnayan sa ICC

Bato: DOJ ‘di makokontrol sa pakikipag-ugnayan sa ICC

MANILA, Philippines- Inamin ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi nito kontrolado ang Department of Justice (DOJ) na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa kasong kinahaharap nito kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkamatay ng libong indibidwal sa war on drugs.

Sinabi ni Dela Rosa na wala itong magagawa kundi dumulog sa Supreme Court (SC) sakaling magpalabas ng warrant of arrest ang ICC upang kuwestiyunin ang legalisasyon ng korte sa Pilipinas.

“Go ahead kung anong gusto nila. Hindi namin sila maco-control… Basta ako, very solid ‘yung aking paniniwala na walang jurisdiction ang ICC sa ating bansa,” ayon kay dela Rosa, bilang reaksyon sa pahayag ng DOJ na makikipagtulungan ito sa ICC.

“Pumasok kayo dito, ICC. We will go to the Supreme Court, we will seek judicial relief kung talaga bang may jurisdiction ang ICC dito,” dagdag niya.

Iginiit ni Dela Rosa na hindi nito kikilalanin ang anumang komunikasyon na manggagaling sa korte na kapag kinuha nito, mabibigyan ng pagkilala ang awtoridad nito sa Pilipinas.

Ayon sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng war on drugs, na hindi pwedeng ipilit ng ICC ang pag-iimbestiga dahil umatras ang Pilipinas sa Rome Statute na lumikha ng ICC na maaaring gawin lamang sa miyembro nitong bansa.

Itinuturing ni Dela Rosa na “great success” ang war on drug gamit ang ilang testimonya ng mga Pilipino na nagpapasalamat sa kanilang istilong tokhang.

Base sa tala ng pamahalaan, umabot sa mahigit 6,200 indibidwal ang napatay sa war on drugs. Subalit, naitala ng ilang human rights organization na aabot sa 30,000 ang bilang ng napatay. Ernie Reyes