Home NATIONWIDE Bato kay Mabilog: Magsabi nang katotohanan

Bato kay Mabilog: Magsabi nang katotohanan

MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Ronald ”Bato” dela Rosa nitong Sabado, Setyembre 21 kay dating Iloilo City mayor Jed Mabilog na magsabi nang katotohanan at huwag sundin ang “script.”

“Klaruhin niyang script niya kung ano ba talaga ang script na gagampanan niya… Siya lang ang nakakaalam [kung sino nagamit sa kaniya], mahirap magspeculate. Wala akong facts. Hindi ko nakita ko sino kumumbinsi sa kanya, sino pumilit sa kanya [magsinungaling],” sinabi ni Dela Rosa sa panayam sa radyo.

Tinukoy ng senador ang sinabi ni Mabilog na sa international engagement noong 2017 ay mayroon siyang planong kitain si Dela Rosa na noon ay hepe ng Philippine National Police sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mula sa Japan kung saan sinabihan siya ng isang heneral na huwag babalik ng bansa.

Ani Mabilog, pipwersahin umano siyang akusahan si dating DILG secretary Mar Roxas at dating senador Franklin Drilon bilang mga drug lord.

“Ito lang masasabi ko. Bumaliktad na ang mundo ngayon. Ang nagiging hero na ngayon, yung mga drug lord at drug protectors, pinag-clear na yung mga pangalan nila. Tapos ang pinagigipit ngayon, yung mga drug enforcers na,” ani Bato.

Sinabi rin niya na si Mabilog ay kabilang sa watchlist ni Duterte dahil ang Iloilo ay kilalang kuta ng mga drug lord, at hindi dahil sa hindi siya kaalyado ng dating Pangulo.

“Napakalayo siya… Kung ganoon ang reasoning niya, buong Pilipinas ilagay lahat ng mayor at gobernador sa drug watchlist dahil alam naman natin sa buong Pilipinas, ilan lang yung sumuporta kay Pangulong Duterte noon, hindi ba?” ayon pa sa senador.

“Anong siyudad ba ang pinakamaraming shabu, pinakamalakas ang [bentahan ng] shabu? ‘Yun ang Iloilo, kaya natural lang yun andun nakatutok ang intelligence agencies d’yan sa malakas na lugar, dahil andyan ang malalaking drug lord. Hindi yun politika,” dagdag pa nito.

Ani Dela Rosa, pinaghihinalaan niyang galing ang mga alegasyon sa “those who want to perpetuate in power” at nais na balewalain ang mga pagsisikap ng nakaraang administrasyon para pahinain si Vice President Sara Duterte bago ang 2028 elections.

“Yung mga efforts na yun na part of the serious campaign ng ating Pangulong Duterte sa war on drugs, hindi yung pamulitika. Kung tinamaan sila doon sa war on drugs, very convenient excuse yung politics. Isipin mo, pati si Mar Roxas at Senator Drilon, kasama raw na ididiin…. Anong klaseng pamulitika yan? Natalo na nga sa eleksyon yung tao, ididiiin mo pa sa droga? Hindi kapani-paniwala na mga usapan yan,” sinabi pa ni Dela Rosa.

Alam ng publiko na ang kanyang buhay ay isang bukas na aklat at hindi umano siya kailanman nagsinungaling.

“Alam naman ng taong bayan kung what’s the real score. So, sana huwag tayo magpapaloko dyan sa mga propaganda na yan dahil eleksyon na naman.”

Kamakailan ay sinabi ni Mabilog na handa siyang tumestigo sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa drug war ng Duterte administration.

“Of course, I am very willing to fly anywhere, Hague or whatever venue in the Philippines, because all that I have to do is tell the truth,” ayon kay Mabilog sa isang panayam. RNT/JGC