MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Ronald dela Rosa nitong Sabado, Agosto 31 ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at puganteng si Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na sa mga awtoridad at ibalik na sa normal ang buhay ng kanyang mga miyembro.
“Isa rin ako sana nananawagan na kung pwede lang para naman matahimik na yung lugar na yan at mga tao ay balik na sa normal na pamumuhay,” sinabi ni Dela Rosa sa panayam sa radio.
“Kung pwede lang ini-encourage natin na mag-surrender siya pero at the end of the day, it’s his call,” dagdag pa niya.
Iginiit ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon ang kondisyon ni Quiboloy kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-iisyu ito ng written declaration na hindi siya isusuko sa Estados Unidos.
Matatandaan na nagtatago si Quiboloy matapos kasuhan ng mga reklamong paglabag sa Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Siya rin ay nahaharap sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan sa korte sa Pasig.
“Parang kondisyones nya siguro, para sa kung magkaroon ng negosasyon for his surrender. Parang ganon lang. My assumption only,” ayon sa senador.
“No wanted person can demand from authorities. Unless meron siyang hawak na hostage,” dagdag pa niya.
Nitong Sabado, sinabi naman ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na “no one in government can give that guarantee, strictly speaking.”
“In the first place, no government official would want to violate the law… lahat ng treaties natin nagfo-force [into] law once it is signed and conferred in by the Senate,” dagdag ni Vasquez.
Sa kabila nito, sinabi ni Torreon na “it is clearly within the President’s power to assure protection to his citizens, via written declaration, that they will not be extraordinarily rendered to foreign countries with or without extradition treaties.”
Samantala, sinabi ni Dela Rosa na nawawalan na siya ng pag-asa na si Quiboloy ay nasa compound ng KOJC dahil hindi pa rin ito nahahanap ng mga pulis matapos ang ilang araw.
Matatandaan na ipinanawagan ng senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipag-utos ang withdrawal ng 2,000 pulis na nakatalaga sa KOJC compound dahil apektado na ang religious freedom at academic rights ng mga miyembro nito dahil sa operasyon ng pulisya.
Hanggang nitong Sabado ay nananatili ang mga tauhan ng Philippine National Police sa KOJC compound para isilbi ang arrest warrant laban sa nagtatagong self-appointed son of God na si Quiboloy. RNT/JGC