Home NATIONWIDE Sen. Go: SHCs krusyal sa accessible healthcare para sa lahat

Sen. Go: SHCs krusyal sa accessible healthcare para sa lahat

MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang groundbreaking ng Super Health Center sa Barangay Torralba, Banga, Aklan.

Sinabi ni Go na ito ay napakahalaga para sa pagbibigay ng healthcare service sa mga Pilipino, lalo sa mga liblib na lugar. Dumalo sa okasyon sina Congressman Carlito Marquez, Governor Joen Miraflores, Vice Governor Boy Quimpo, at Mayor Noel Redison.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng Super Health Centers sa mga komunidad para mabigyang pokus ang pangunahing pangangalaga sa kalusugan, gaya ng medical consultations at early disease detection nang sa gayo’y maiwasan ang mga komplikasyon sa sakit.

“These centers serve as the first line of defense in our healthcare system. By providing primary care, we can reduce the burden on larger hospitals and ensure that every Filipino, regardless of their location, has access to essential health services,” sabi ni Go.

Pinuri niya ang Department of Health at ang lokal na pamahalaan sa kanilang mga pagsisikap para mas madaling ma-access ang mga serbisyong medikal na magpapabuti sa pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng komunidad.

“Ang inisyatiba na ito ay isang patunay kung ano ang maaari nating makamit kapag tayo ay nagtutulungan para sa kabutihan ng lahat,” ani Go.

Binanggit niya na ang gobyerno ay naglaan ng kaukulang pondo para makapagtayo ng mahigit 700 Super Health Center sa buong bansa, kabilang ang sampu sa lalawigan ng Aklan.

Ang Super Health Center ay “medium version” ng isang polyclinic, pero gumagana bilang isang mas pinahusay na rural health unit.

Mayroon itong mga serbisyo, kinabibilangan ng database management, outpatient care, birthing facility, isolation unit, diagnostic services (tulad ng laboratoryo, x-ray, at ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Bukod rito, ang mga espesyal na serbisyo tulad ng pangangalaga sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), oncology centers, physical therapy, rehabilitaion, at telemedicine.

“Kailangan nating mas paramihin pa ang Super Health Centers sa bansa para masiguradong mailalapit pa natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap,” ayon kay Go.

Sa pagpapalawak na ito ng Super Health Centers, iginiit ni Go na layon ng pamahalaan na itulay ang agwat sa accessibility sa healthcare para sa mga komunidad na higit na nangangailangan nito. RNT