MANILA, Philippines – Tila nagninik-luhod si dating Philippine National Police (PNP) chief, ngayong Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinggil sa panawagan na baklasin ang mahigit 2,000 pulis na nakabantay sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City upang isilbi ng arrest warrants laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kanyang privilege speech, hiniling ni Dela Rosa kay Marcos na “dinggin ang tibok ng puso” ng KOJC members at estudyante ng Jose Maria College Foundation dahil lubha nang naapektuhan ng operasyon ng pulisya ang kanilang kalayaan sa pananampalataya at akademiko.
“Pagod na rin ang mga tao. More precisely, pagod na rin ang mga puso ng mga tao. Their weary hearts have resorted to seemingly marching to a different beat, regretting their choice of leadership, losing their hope,” ayon kay dela Rosa.
“Yet, I stand here with unwavering faith in you, as the father of our nation. I for one still believe in your capacity to care for every Filipino. After all, regardless of where we find ourselves politically, socially, religiously, or even physically, we all share the same heart and spirit,” giit niya.
Nitong Sabado, nilusob ng PNP ang compound ng KOJC upang isilbi ang warrant of arrest na ikinamatay ng isang KOJC member na inatake sa puso sa gitna ng operasyon ng pulisya.
Naunang nagpalabas ang Davao Regional Trial Court (RTC) Branch 15 ng temporary protection order (TPO) pabor sa KOJC, na inatasan ang PNP na itigil ang operasyon na nagbibigay panganib sa kaligtasan at seguridad ng KOJC members.
Kinondena rin ni Senador Christopher Lawrence Go ang itinuturing na “excessive use of force” ng PNP sa operasyon na ipinatutupad “maximum terrorism” sa halip na maximum tolerance.
Nakatanggap ng ulat si Go na ginagamitan umano ng tear gas at pepper sprays ang sibilyan at hindi pinayagang makapasok ang legal team ng KOJC sa compound.
“With the court issuance of a temporary protection order, we pray that peace and normalcy will return to the KOJC compound. The occupation of police personnel in the Kingdom of Jesus Christ compound in Davao City and the terror it brings to the community causes concern,” aniya.
“While it is the duty of the police to serve an arrest warrant, there is no excuse for using force creating fear, compromising the safety of civilians, disrupting the peace in the community, and occupying a place of worship,” dagdag ng senador.
Sa kanyang bahagi, hinimok naman ni Senador Risa Hontiveros sa Quiboloy na sumuko at harapin ang kaso.
“Kung papakinggan natin ang heartbeat ng KOJC members, pakinggan din natin ang heartbeat ng mga victim survivors. Si alias Amanda, alias JR, alias Jackson at iba pa. Trafficked, sexually abused, forced to perform begging activities. Let us not allow them to be invisible,” ayon kay Hontiveros.
“Malinaw po ang posisyon ko noon pa man- ang kapulisan ay ‘di kailanman dapat gumamit ng labis na dahas sa anumang sitwasyon. Sa kabilang banda- hindi po sapat na rason ang relihiyon at paniniwala, para aktibong pigilan ang pagpapatupad ng batas natin,” dagdag niya.
Nahaharap si Quiboloy ng kaso sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Section 10(a).
May kasong non-bailable qualified human trafficking charge si Quiboloy sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, sa Pasig court. Ernie Reyes