Home OPINION BAWAL NA PALANG NGUMITI AT TUMAWA

BAWAL NA PALANG NGUMITI AT TUMAWA

MAKARAANG maglabasan ang mga larawang nakangiti at parang tumatawa si ex-Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kasama ang ilang tauhan ng pamahalaan na nang-aresto at nag-escort sa kanya rito sa Pilipinas papuntang kulungan, sumasabog ang mga laway ng ilang senador, kongresman at iba pa sa pagtuligsa kay Guo at mga taong pamahalaan.

Bawal ang ngumiti at tumawa ang inaakusahan ng iba’t ibang krimen, gayundin ang sinomang makalapit sa kanya?

Parang nasusuka ako sa mga senador, kongresman at mga taong nagbabawal ang pagngiti at pagtawa na palatandaan ng pagiging masaya.

Mabuti kung hindi nakikita ang mga senador at kongresman na ‘yan na todo ang tawa, ngiti at pagsasayaw sa mga party-party na kanilang dinadaluan.

Ito’y sa kabila ng pagiging tameme o nakasiper na bibig ng mga ito sa mga katakot-takot na hindi maipaliwanag na kabiguan o korapsyon sa pamamahala sa pamahalaan na kasama sila bilang mga taong pamahalaan.

Halimbawa na lang sa mahigit P500 bilyong pondo laban sa baha sa nakalipas na dalawang taon, kasama ang 2024, na lumalabas na walang ibinungang maganda laban sa baha.

Saan nga napunta ang pondong ito na inaprubahan ng Kongreso, kasama ang mga senador?

Hindi kaya nauulit lang ang sinasabi noon ni Kristo noon na, “Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakikita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.

Mabuti na lang ngumiti-ngiti at tatawa-tawa lang si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang reaksyon, sabay-sabing hindi niya gaanong minamasama ang mga  pagngiti, pagtawa at maging sa pagiging masaya sa gitna ng mga problema.

Sabi ng iba, may halong pasikatan at ginagamit para sa halalang 2025 ang kaso ni Guo.

Kayo na, mga mahal na reader, ang humusga.