TILA may kinikimkim na galit si dating Caloocan City Mayor Reynaldo “Rey” Malonzo kay incumbent City 1st District Congressman Oscar “Oca” Malapitan.
Kung birahin, kutyahin at maliitin kasi ng ex-actor ang ama ni Mayor Gonzalo Dale “Along” Malapitan sa kanyang Facebook posts ay ganoon na lamang.
Hindi ko na babanggitin ang nilalaman ng FB post attacks pero in a nutshell ay pinalalabas na palpak na lingkod bayan ang alkalde mula 2013 hanggang 2022.
Wari natin ay bulag si Malonzo dahil kabaliktaran sa kanyang mga patutsada ay patuloy na umuunlad ang Caloocan City dahil sa magaling at maayos na pamamahala’t pamamalakad ng mga Malapitan.
Bakit ika ‘nyo? Sa panahon nang pamamahala noon ni Mayor Oca ay naitayo ang 8-storey Caloocan City Hall, Caloocan Sports Complex, Buena Park, Glorieta Ampi-theater at Caloocan Peoples Park.
Ganoon din ang Caloocan Drug Rehabilitation, Amparo Nature Park, Caloocan North Medical Center, University Caloocan City South, UCC Congress at UCC Camarin at marami pang infra projects.
Ang mga imprastrakturang ito ay ilan lang sa patunay na malayo na nga ang narating ng Caloocan – mula sa dugyot, magulo at hikaos na estado, ngayo’y isa nang vibrant thriving city.
Sa kanyang administrasyon ay itinatag din ang College of Law na kaunaunahan sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) o North Metro Manila.
Dahil sa maayos na pamumuno ay umangat ang Caloocan sa level ng mga mauunlad na siyudad. Dahil dito si Rep. Oca Malapitan ay binansagang ‘arkitekto’ sa tinatamasang tagumpay ngayon ng lungsod.
Ikwento ko lang. Si Malonzo ay naging mayor mula 1995 hanggang 2004 pero sa siyam na taon na ‘yan ay walang maipagmamalaking achievement kaya sino ngayon ang palpak?
Pagkatapos ng termino bilang mayor ay makailang beses sumabak sa election, tinangkang bumalik pati ang maybahay at mga anak pero hindi na sila tinangkilik ng Caloocanians.
Lumabang kongresista noong 2004 elections pero talo kay Oca, ganoon din ang asawang si Gigi na tinambakan ni Recom Echiverri sa pagka-mayor at anak na si Ronald na kulelat sa 2nd district councilor elections.
Noong 2007 ay kulelat sa mayoralty race laban kina Echiverri at Baby Asistio at kulelat din sa Vice Mayor race noong 2010 na napanalunan ni Egay Erice.
Sinubok din ng anak na si PJ na lumaban sa vice mayoralty race noong 2022 elections na napagwagian ng ngayo’y Vice Mayor na si Karina Teh.
Sa darating na May 2025 midterm elections, sasabak muli si Malonzo, kalaban si Rep. Malapita sa pagka-kongresista ng unang distrito ng Caloocan.
Labanan ito ng “The Architect” kung tawagin dahil sandamakmak ang achievement versus “The Wind Bag” na ‘all talkiest’ lang at walang maipag -malaking nagawa noong kanyang kapanahunan.
Kailan kaya magkakaroon ng batas na kasama sa listahan ng nuisance candidate ang takbo nang takbo sa election – kagaya ni Karate kid – pero laging talunan?
Paging Commission on Elections chairman George Erwin Garcia.