NAKABIBILIB ang abogado ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ sa kanyang paninindigan at tatag bagaman marami ang nambabash sa kanya sa social media at sa iba pang platform ng pamamahayag kaugnay nang kanyang patuloy na pagbibigay ng serbisyo at proteksyon sa kanyang kliyente.
Pero hindi rin naman matatawaran ang paghanga ng inyong PAKUROT sa Philippine National Police Region 11 director PBGen Nicolas Torre III sa kanyang tatag ng kalooban at paninindigan sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa pastor na nahaharap sa kasong child abuse at human trafficking.
Alam ni Torre na posibleng kapag pumalpak siya ay katapusan na ang kanyang karera sa PNP. Gayunman, hindi niya inurungan ang mga kinakaharap sa kanyang responsibilidad nilang PRO 11 chief. Parang noong nasa Quezon City Police District lang siya, kahanga-hanga ang kanyang delicadeza. Siya ang opisyal na hindi ipokrito at hindi kapit-tuko sa pwesto.
Ang abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, tulad ni Torre ay may delicadeza rin. Kaya kapwa sila kahanga-hanga ay kumakatawan sa kanilang mga tungkulin bagaman magkabilaan sila ng landas. Isang nagpapatupad ng batas upang mahuli ang puganteng kliyente naman ng abogado na ginagawa naman ang kanyang responsibilidad bilang tagapagtanggol.
Ang nakaiinis ay ang mga abogadong nanloloko ng kanilang mga kliyente at walang importante sa kanila kundi magulangan ang dapat sana ay kanilang ipagtanggol dahil sa bayad na ibinigay sa kanila bukod pa sa tiwala na ipinagkaloob sa kanila.
May ilang abogado na sinasabing dapat ipagkatiwala ng kanilang kliyente ang lahat-lahat sa kanila dahil handa ang mga itong protektahan ang buhay at ari-arian ng kanilang mga kliyente. Pero karamihan sa mga ito ay “bulaklak lang ng dila” sapagkat ang totoo marami sa mga abogadong ito na naghahangad lang ng kita sa kanilang kliyente.
Nasabi ko ito sapagkat may kaibigan ako na dalawang beses nagtiwala sa magkaibang abogado. Ang unang abogado na nagsabi sa kanyang ipagkatiwala ang kanyang buhay kasabay nang paghingi ng pera. Hayun, nakulong ang kaibigan ko dahil sa sobrang tiwala sa kanyang abogado.
Nang makalaya, kumuha nang ibang abogado itong kaibigan kong hindi ko alam kung inosente o tanga at matapos magbayad ay ipinagkatiwala na muli ang kanyang buhay at ari-arian sa abogadong kanyang kinuha upang ilaban ang kaso na dahilan nang kanyang pagkakakulong.
Nabaon sa utang itong kaibigang ng inyong lingkod kaya napilitang magbenta ng lupa pero ang masaklap, ang kanyang bagong abogado, na ipinagmamalaking miyembro ng kilalang organisasyong nagseserbisyo sa pamayanan at nangangailangan, bukod pa sa ipinagyayabang na siya ay kilalang nasa pamilya ng politiko sa Abra, ay niloko siya.
Panlolokong hindi inaasahan sa isang abogadong tulad niya na dapat ay may iniingatang pangalan. Anong panloloko ang ginawa? Simple lang. Pinapirma sa deed of sale ang kaibigan ko na ibinebenta sa kanya ang lupa pero hindi niya binayaran. Babayaran lang umano niya kapag nabenta niya sa dobleng halaga.
Ganito sana ang mga iniimbestigahan ng Integrated Bar of the Philippines. Ang mga abogadong walang delicadeza at handang masira o mabahiran ng dungis ang propesyon para lang kumita ng salapi.
Siguro naman, may ethics committee ang IBP at handa itong magsagawa ng motu propio investigation laban sa mga tiwaling miyembro. Dapat kasing linisin din naman ng IBP ang kanilang hanay para hindi naman inaanay.