Home HOME BANNER STORY Bday celebrant na guro, patay; 17 sugatan sa nahulog na Elf sa...

Bday celebrant na guro, patay; 17 sugatan sa nahulog na Elf sa bangin

1
0

NAGTIPUNAN, Quirino – Nauwi sa malagim na trahedya ang masaya sanang pagdiriwang ng kaarawan ng isang 35-anyos na guro, na siyang birthday celebrant, habang 17 iba pa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang inarkilang Isuzu Elf sa Purok 1, Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino, dakong alas-6:00 ng umaga.

Pansamantalang itinago ang pagkakakilanlan ng guro, na residente ng Barangay Imbiao, Roxas, Isabela, at nagtuturo umano sa bansang Indonesia.

Sakay ng nasabing Elf ang 18 katao, kabilang ang biktima, at minamaneho ng isang 43-anyos na drayber. Tutungo sana sila sa isang beach sa Dipaculao, Aurora para sa pagdiriwang ng kaarawan ng guro.

Habang binabagtas ang pababang kurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Disimungal, bigla umanong pumalya ang preno ng sasakyan. Sinubukan pa ng drayber na isadsad ang sasakyan sa gilid ng kalsada upang maiwasan ang mas malubhang aksidente, ngunit tuluyan itong nawalan ng kontrol at dumausdos sa bangin.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at kanang braso ang birthday celebrant na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Ang 17 iba pang sakay ay nagtamo ng iba’t ibang sugat at pinsala sa katawan at agad na isinugod sa mga pagamutan.

Ilan sa mga sugatan ay inilipat pa sa mga ospital sa Roxas, Isabela para sa karagdagang gamutan. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO Nagtipunan at MDRRMO Maddela upang magsagawa ng rescue operation at mailigtas ang mga biktima.

Sa paunang imbestigasyon, mechanical failure o pagkawala ng preno ang pangunahing tinitingnang sanhi ng aksidente na nagresulta sa pagkawala ng kontrol ng drayber sa sasakyan.

Ang nasabing Elf ay service ng barangay na ibinigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na may tatak na “Bojie” at “Rodito,” na unang ipinatatanggal ng DILG ang mga pangalan ng politiko.

Samantala, hindi lang ito ang unang pagkakataon na may kahalintulad na aksidenteng naganap sa naturang lugar na kinasasangkutan ng magkakamag-anak o magkakaibigan.

Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here