Manila, Philippines – Isang makulay na selebrasyon ng musika, talento, at malasakit ang hatid ng Little CEO at young performer na si Kryzl Jorge sa kanyang milestone concert na “Xtraordinary Kryzl: Born to Shine”, na ginanap sa Samsung Hall, SM Aura sa Bonifacio Global City, Taguig.
Sa edad na 10, ipinamalas ni Kryzl ang kanyang husay sa pag-awit at pagsasayaw sa isang gabing bunga ng ilang buwang paghahanda, dedikasyon, at disiplina.
Isa sa pinakamalaking tampok ng konsiyerto ang opisyal na paglulunsad ng kanyang 10 original songs, na naglalaman ng mga mensahe ng pag-asa, kabutihan, pangarap, at positibong pananaw sa buhay.
Binuksan ang programa sa Purple Hearts Jingle, sa pangunguna ni celebrity host Diane Medina, na nagbigay ng saya sa mga dumalo sa pamamagitan ng mga interactive games at raffle prizes.
Sinundan ito ng mataas na enerhiyang pagtatanghal ng kantang “No Rush” kasama ang GAU Entertainment dancers, bago makasama nina Josh Ford at Kira Balinger si Kryzl sa performance ng “Crush on You.”
Naghatid rin ng mga emosyunal na pagtatanghal si Kryzl sa kanyang mga duet kasama sina Queenay Mercado sa “Opo, Thank You Po” at Rachel Ann Pegaso sa “Hugs, Breathe, Smile,” na inialay sa sampung benepisyaryo ng Purple Hearts Foundation.
Isa rin sa mga tampok ng gabi ang performance ng The Jorge Siblings sa kantang “Perfect Summer,” na sinabayan ng espesyal na father-and-daughter dance nina Jhong Hilario at Sarina Hilario.
Nagbigay rin ng mensahe si Jhong, kung saan ipinahayag niya ang suporta ng kanilang pamilya sa pangarap ni Sarina habang pinuri rin ang mga nagawa ni Kryzl sa murang edad.
Isa sa pinakanakaaantig na bahagi ng programa ang pag-awit ni Kryzl ng kanyang bagong original song na “Hearts in Bloom,” na nagpakita ng kanyang pag-unlad bilang isang batang recording artist.
Nagtapos ang konsiyerto sa awiting “Birthday LOVE,” kung saan nakasama niya sa entablado ang kanyang pamilya bilang simbolo ng pagmamahal, pasasalamat, at pagbabahagi.
Dumalo rin sa okasyon ang iba’t ibang personalidad mula sa entertainment, negosyo, media, at social media.
Kabilang dito sina Anna Magkawas ng LuxeSlim, Kiray Celis ng MomsKi kasama ang kanyang asawa, Marga Vargas ng Gutta Glow, at Pauline Causarin ng Vampire Shot, na nagbigay ng espesyal na performance ng “The Greatest Love of All.”
Nakiisa rin sina MJ Marfori, Titin Babao, Julius Babao, Viy Cortez, Miss Dionn Ragragio, at Ria Vlogs sa pagdiriwang.
Higit pa sa isang birthday concert, naging makabuluhang selebrasyon din ito ng pagbibigay at malasakit.
Bilang bahagi ng taunang adbokasiya ng Purple Hearts Foundation, ipinagdiwang ni Kryzl ang kanyang ika-10 kaarawan sa pamamagitan ng pagtulong sa 10 beneficiary organizations: Kanlungan ni Maria, Patuco Church, SPEED, Tahanang Balik-Alay, God’s Little Angels, Colegio de San Rafael, Guanella Home for Special Children, Archdiocese of Peñafrancia, Animal Kingdom Foundation (AKF), at Baon Mo, Sagot Ko.
Personal na tinanggap ng mga kinatawan ng bawat organisasyon ang tulong sa mismong programa. Mahigit 1,000 panauhin ang dumalo sa selebrasyon.
Bilang pasasalamat, nakatanggap ang bawat bisita ng pagkain at espesyal na giveaways.
Sa pamamagitan ng kanyang musika, talento, at adbokasiya, muling pinatunayan ni Kryzl Jorge na hindi hadlang ang murang edad upang makapagbigay ng inspirasyon at positibong pagbabago sa kapwa.
Ang “Xtraordinary Kryzl: Born to Shine” ay naging isang pagdiriwang hindi lamang ng kanyang ika-10 kaarawan, kundi ng pananampalataya, pamilya, at ng kahalagahan ng pagbabahagi sa komunidad. JP Ignacio