MANILA, Philippines – Nag-aalok ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng libreng paggamit ng mga public swimming pool upang matulungan ang mga residente na makaiwas sa matinding init, at mabigyan sila ng mas ligtas na alternatibo sa paglangoy sa mga ipinagbabawal at maruming lugar gaya ng Baseco Beach sa Tondo.
May ilan pa rin kasing residente na naliligo sa Baseco kahit ipinagbabawal ito dahil sa sanitary issues.
Sa ilalim ng programa ng lungsod, maaaring magamit nang libre ng mga residente sa bawat distrito ng Maynila ang mga itinalagang public pool, lalo na ngayong ipinagbabawal ang inflatable at makeshift pools sa mga kalsada.
Kabilang sa mga pasilidad na binanggit sa ulat ang Dapitan Sports Complex, na bukas mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon mula Martes hanggang Biyernes at mula alas-11 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon tuwing Sabado at Linggo, at ang Vitas Aquatic Center, na bukas mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali mula Martes hanggang Biyernes at mula ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon tuwing Sabado at Linggo.
Pinaalalahanan naman ni Vitas Aquatic Center OIC Red Martinez ang mga residente na magsuot ng tamang kasuotan sa paglangoy at sumunod sa mga safety rule.
“Kailangan lang po nila ng proper swimming attire. Tsaka may ilang patakaran o pagsunod ng ilang patakaran gaya ng bawal uminom at mga gawain na pwedeng magdulot ng disgrasya sa mga lumalangoy,” ani Martinez. RNT