Home METRO Bebot binurdahan ng saksak ng siningil na lalaking tenant

Bebot binurdahan ng saksak ng siningil na lalaking tenant

MANILA, Philippines – Isang babae ang nasaksak at napatay ng kanyang tenant sa Antipolo, Rizal, matapos ang mainit na pagtatalo tungkol sa hindi bayad na renta.

Ang suspek, isang 36-anyos na kinilalang si alias “Jes,” ay biglang umatake sa biktima, na kapatid ng may-ari ng paupahan, matapos umano siyang mapahiya sa paulit-ulit na paniningil nito.

Sa isang video, makikita ang kanilang pagtatalo bago puwersahang sinipa ng suspek ang pinto ng bahay ng biktima at sinaksak ito sa dibdib. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang patay na pagdating doon.

Ayon kay Antipolo Police Chief Lt. Col. Ryan Manongdo, sinabi ng suspek na madalas silang pagalitan at sigawan ng biktima dahil sa hindi nila nababayarang renta. Inamin niyang hindi niya na napigilan ang kanyang galit, lalo na’t lasing siya nang mangyari ang insidente.

Narekober ng mga pulis ang ginamit na patalim at kasalukuyang nakakulong ang suspek na haharap sa kasong murder. Patuloy namang sinisikap ng mga awtoridad na makuha ang pahayag ng pamilya ng biktima. RNT