Home NATIONWIDE Kulang sa dokumento: Pepsi Paloma film ‘di pa narerebyu ng MTCRB

Kulang sa dokumento: Pepsi Paloma film ‘di pa narerebyu ng MTCRB

Photo Enhancement and restoration by Adlai Jan Garcia Jawid

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang balitang kasalukuyang nire-review ang pelikula ni Darryl Yap tungkol kay Pepsi Paloma.

Ayon sa ahensya, hindi pa tinanggap ang pelikula para sa pagsusuri dahil sa kakulangan ng mga kinakailangang dokumento.

Ipinaliwanag ng MTRCB na hindi pa naibibigay ng PinoyFlix Films and Entertainment Production ang mga kailangang sertipikasyon mula sa Regional Trial Court, Department of Justice, at Office of the City Prosecutor na nagpapatunay na walang nakabinbing kaso laban sa pelikula.

Ayon sa Legal Affairs Division, opisyal na nilang ipinaalam sa distributor ang tungkol sa mga kulang na rekisitos.

Binigyang-diin ng MTRCB na kailangang dumaan sa masusing pagsusuri ang bawat pelikula upang matiyak ang pagsunod sa Presidential Decree No. 1986, na nagtatakda ng regulasyon sa pelikula at telebisyon.

Nagbabala rin ang ahensya laban sa maling impormasyon na maaaring makasira sa kanilang mandato, at sinabing anumang tangkang linlangin ang publiko ay may kaukulang legal na aksyon. RNT