KINUMPIRMA ng Malakanyang na sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang batas na magpapaliban sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“This is confirmed,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez nang tanungin hinggil sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, sa isang press conference, araw ng Martes na “May sinertify si Pangulong Marcos na BARMM election postponement.”
Gayunman, hindi naman binanggit ni Escudero kung ang batas na sinertipikahan bilang urgent ni Pa gulong Marcos ay ang Senate o House of Representatives’ version ng batas.
Sa ulat, pasado na kasi sa ikalawang pagbasa ang panukalang postponement ng kauna-unahang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) o ang Senate Bill 2942.
Ayon kay Escudero, nasertipikahan na itong urgent bill ni Pangulong Marcos at inaasahang maipapasa ito ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.
Matapos ang period of amendments, pumayag ang Senate Committee on Local Government na gawing limang buwan ang postponement ng BARMM elections, sa halip na tatlong buwan na nakasaad sa orihinal na bersyon ng panukala.
Paliwanag ni Escudero, ang pagpapaliban ng halalan ay pangunahing isinulong upang bigyang-diin ang seguridad. Bukod dito, layon din ng panukala na bigyan ng sapat na panahon ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na magpasya kung ire-reallocate nila ang pitong bakanteng upuan matapos magdesisyon ang Korte Suprema na alisin sa BARMM ang Sulu. Kris Jose