MANILA, Philippines- Nadakip ng mga awtoridad ang consignee ng parcel na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Martes.
Sinabi ng PDEA na kinuha ng suspek na si “Ruth”, 28, ang parcel sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City nitong Lunes, iginiit na hindi niya alam na ilegal na droga ang laman nito.
Galing sa Ontario, Canada ang package na idineklarang “ladies’ wear and bags.”
Sa pag-iinspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang ilang self-sealing transparent plastic bags na nakabalot sa foil at cling wrap, lahat ay naglalaman ng tinatayang 1 kilo ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska rin ang mobile phone, isang notice card, at ilang identification cards, isa ang naglalaman ng pangalan ng consignee habang ang iba ay peke at nasa ilalim ng iba’t ibang pagkakakilanlan.
Sinabi ng PDEA na itinurn-over na ang consignee at nakumpiskang illegal drugs sa PDEA para sa inquest proceedings para sa paglabag sa Republic Act Nos. 9165 (amended Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). RNT/SA