DUMAGUETE CITY – Arestado ang isang 32-anyos na babaeng high-value target sa buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PHP3.4 milyon sa Bacong, Negros Oriental nitong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Sinabi ni PDEA-Negros Oriental chief Elmer Ebona na ang suspek, isang walang trabahong babae mula sa Barangay Looc sa Dumaguete City, ay naaresto sa Barangay Sulodpan, bayan ng Bacong.
Inaresto ng pinagsanib na operatiba ng PDEA at pulisya ang suspek matapos umano itong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang undercover agent.
Nakuha mula sa suspek ang mga plastic sachet na may iba’t ibang laki na naglalaman ng humigit-kumulang 510 grams ng hinihinalang shabu.
Ayon kay Ebona, sinabi ng babae na mayroon siyang contact sa loob ng Bilibid Prison sa Muntinlupa na nagbibigay ng mga instruksyon sa pamamagitan ng cellphone kaugnay ng delivery ng ilegal na droga.
“The woman was under surveillance for a while before the arrest, and we believe that she is not operating alone but belongs to a group involved in the illegal drug trade,” pahayag ni Ebona.
Nakakulong na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT