MANILA, Philippines – HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-alis ng isang babaeng biktima ng pekeng departure stamp scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Oktubre 11.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang 32-anyos na babaeng biktima, na itinago ang pangalan bilang pagsunod sa anti-trafficking laws, ay sasakay sana sa flight ng Cebu Pacific Airlines papuntang Vietnam ngunit hindi nakalusot sa paunang inspeksyon ng BI.
“The victim arrived at the counter with her passport, which had a counterfeit departure stamp impressed on it, attempting to convince the officer that she had completed the immigration departure procedures. She initially claimed to be a solo tourist in Vietnam for leisure,” ani Viado.
Isinailalim sa karagdagang inspeksyon ang biktima matapos na maobserbahan ang kaduda-dudang departure stamp sa kanyang pasaporte.
Sa panayam sa biktima, ibinunyag nito ang kanyang mga travel plans kung saan kabilang dito ang planno sa paglalakbay sa Thailand pagkatapos ng kanyang pananatili sa Vietnam. Ninanais niyang mag-aplay para sa isang entry visa sa Egypt makaraang mapangakuan ng isang madaling proseso ng pag-apruba.
Ibinunyag ng biktima na ang mga recruiter noong una ay humingi ng P80,000 para sa isang pekeng selyo upang matulungan siya sa pag-alis, ngunit nakipag-ayos siya hanggang P65,000.
Kinumpirma ng forensic analysis ng laboratoryo ng dokumento ng BI na peke ang ipinakitang selyo.
Itinurn-over ang biktima sa kustodiya ng Inter-Agency Against Trafficking (IACAT) para sa tulong sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kanyang mga recruiter. Jay Reyes