Home HOME BANNER STORY Sariling Senate probe vs war on drugs isasagawa ni Bato; Digong imbitado

Sariling Senate probe vs war on drugs isasagawa ni Bato; Digong imbitado

98
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng sariling imbestigasyon si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa madugong war on drugs na inilunsad ng nakaraang administrasyon sa kanyang pamumuno bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs na nakatakdang iimbitahan nito si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs.

Bukod kay Duterte, iimbitahan din ni Dela Rosa ang lahat ng miyembro ng Gabinete ng dating administrasyon na sangkot umano sa war on drugs na kanyang inilunsad nang maupo bilang hepe ng PNP.

Ganito ang reaksiyon ni Dela Rosa sa pahayag ni Senador Bong Go na gusto nitong maghain ng isang resolusyon upang maglunsad ng imbestigasyon kasabay ng isinasagawang pagdinig ng House quad committee.

“Definite na ‘yan during the break. Motu proprio muna habang di pa na-refer sa akin ‘yung [resolution] ni Senator Bong Go),” ayon kay Dela Rosa sa phone interview.

“Ipapatawag natin (si Duterte) at kung sinu-sino pang Cabinet member niya noon na puwede nating magiging resource person,” aniya.

Sinabi ni Dela Rosa na nakatakda pa nitong ibahagi kay Duterte ang panukalang imbestigasyon ng Senado pero nagtitiwala itong dadalo ang dating pangulo sa imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan

“Wala pa, pero malaking posibilidad na mag-attend siya kung kami mag-imbita. Mukhang mas komportable siya dito sa Senado kesa Lower House ,” aniya.

“I don’t think na hindi siya mag-attend kung ako ang mag-imbita,” dagdag ng senador.

Nitong Lunes, Ipinalutang ni Go ang ideya na magsagawa ng kasabay na imbestigasyon ang Senado sa war on drugs ng dating administrasyon.

Itinuring ni Go na pawang “walang basehan” ang akusasyon laban sa kanya at dating pangulo kabilang si Dela Rosa sa isinasagawang imbestigasyon ng House Quadcomm.

Aniya, nakatakdang siyang maghain ng resolusyon “kung kinakailangan.”

Noong nakaraang linggo, idinawit ni dating PNP general Royina Garma sina Duterte, Dela Rosa at Go sa payola at quota system ng war on drugs sa buong bansa, sa kanyang pagtestigo sa Mababang Kapulungan.

Sinabi ni Garma na umaabot sa P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa pagpatay sa sinumang suspek sa droga.

Pinabulaanan ni Go ang reward system at itinanggi nitong sangkot siya sa paghawak ng pera sa pagbibigay ng pabuya. Itinuring ni Go na “unsubstantiated” ang paratang ni Garma.

Pinabulaanan din ni Dela Rosa ang sinasabing reward system sa pagpatay ng drug suspect sa nakaraang administrasyon.

Ayon naman kay human rights lawyer Chel Diokno, mahigit 20,000 katao ang napatayn sa war on drugs base sa 2017 year-end accomplishment report ng Duterte administration.

Pero, naitala naman ng gobyerno na aabot lamang sa 6,200 drug suspects ang napatay sa operasyon ng pulisya ngunit nadamay ang ilang inosenteng kabataan tulad ni Kian Delos Santos na pinatay sa Caloocan City.

Iniulat ng ilang human rights groups na aabot sa mahigit 30,000 katao ang napatay na drug suspect sa buong bansa dulot ng reward system kada ulo ng biktima. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here