BACOLOD CITY- Arestado ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang menor-de-edad, sa isang buy-bust operation sa Purok 1, Barangay Nayon, San Enrique, Negros Occidental nitong Biyernes.
Kinilala ng mga pulis ang mga suspek na sina Police Tol, 42, ng Bago City, Negros Occidental; at isang 22-anyos na babae at 16-anyos na dalagita, kapwa residente ng bayan ng Valladolid sa Negros Occidental.
Sinabi ng Regional Police Drug Enforcement Unit-Western Visayas na nadakip si Tol at ang 22-anyos na suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P12,000 sa isang police asset.
Natukoy sila bilang high-value individuals sa illegal drugs trade habang itinuturing ang menor-de-edad na street-level individual.
Narekober mula sa mga suspek ang 205 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon, digital weighing scale, improvised tooter, P1,100 cash, at non-drug items.
Ikinakasa na ng mga pulis ang kaso laban sa mga suspek. RNT/SA