Patay ang isang 29-anyos na babaeng pasahero habang lima ang sugatan matapos tumalon mula sa isang pampasaherong jeep na hinoldap sa Commonwealth Avenue, Quezon City bandang 9:30 p.m. nitong Martes.
Ayon sa jeepney driver na si Edgardo Cabiente, may isang lalaki ang sumakay sa Don Fabian at maya-maya ay naglabas ng kutsilyo at nagdeklara ng holdap.
Nang magpumiglas ang babaeng biktima para hindi ibigay ang kanyang bag, tinakot siya ng salarin kaya’t napilitan siyang sumunod.
Sa takot, ilan sa mga pasahero, pati na rin ang kinakasama ng jeepney driver, ay tumalon mula sa sasakyan. Isa sa kanila ang babaeng biktima na isinugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Tumakas ang suspek pero nabundol ng isang jeep kaya naabutan at binugbog ng taumbayan.
Naabutan siya ng QC Task Force Disiplina, at pinigilan ang pananakit ng mga sibilyan at dinala ang suspek sa Camp Karingal CIDU.
Nabawi sa kanya ang bag ng nasawing biktima at ang patalim na ginamit sa holdap.
Sa kabilang banda, sinabi ng pulisya na nasawi ang biktima bunsod ng pagkakabagok sa pagtalon sa jeep.
“Ang ikinamatay daw po ng babae, sa sobrang takot daw po sa holdaper, tumalon daw siya sa jeep habang tumatakbo yung jeep nang mabilis. So… nabagok siya,” ani Patrolman Francis Steve Fontillas ng Quezon City Task Force Disiplina.
Ang 54-anyos na holdaper, na dati nang nakulong sa kasong pagnanakaw, ay umamin sa krimen at sinabing nawalan siya ng trabaho kaya’t muling gumawa ng ilegal na gawain.
Mahaharap siya sa kasong robbery with homicide and physical injuries. RNT