MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang ₱9.86 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo na itinago sa isang courier truck patungo sa Davao City.
Natagpuan ang 251 master cases ng sigarilyo, na may tig-50 reams, na itinago sa ilalim ng mga asul na kahon at personal na gamit.
Nadiskubre ang kontrabando sa isang checkpoint operation sa pangunahing kalsada papunta sa Davao City, sa pangangasiwa ng Task Force Davao at Task Force Toril, katuwang ang BOC – Port of Davao Enforcement and Security Service.
Ipinahayag ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang pangako ng ahensya na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling, tiyakin ang katatagan ng ekonomiya, at protektahan ang kita ng gobyerno, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Binigyang-diin din niya ang pagsisikap ng BOC na pigilan ang pagpasok ng mga ilegal na produkto na maaaring makapinsala sa kalusugan ng publiko at pambansang seguridad.
Ang operasyong ito ay bahagi ng limang-puntong prayoridad na programa ng BOC upang tuluyang masugpo ang smuggling sa bansa. RNT