Home METRO Bebot tiklo sa ‘sextortion’

Bebot tiklo sa ‘sextortion’

MANILA, Philippines- Arestado ang 22-anyos na babae sa Tanauan City, Batangas matapos umanong pagbantaan ang kanyang kasintahan na ikakalat ang sex video ng huli kasama ang ibang babae.

Dinakip siya ng mga tauhan ng Intelligence Group of the Tanauan City Component Police Station sa isang entrapment operation nang tanggapin niya ang perang kanyang hiningi.

Mula ito sa babae na umano’y hiningan niya ng P30,000.

Ayon sa mga pulis, hindi na nagkakasundo ang babae at kanyang kasintahan nang makita ng suspek ang umano’y sex video. Posible umanong nagbanta itong ikakalat ang video dahil sa selos at galit.

“Sa tingin natin, sa galit o sa selos niya kinuha niya ‘yung sex video at inalam niya kung sino ‘yung nasa video, at ‘yun ang iminessage niya. Pinagbantaan niya at sa huli nauwi sa extortion, dahil ang nasa kanilang conversation [ay], ‘Kung hindi ka magbibigay ng P30,000 ipapakalat ko itong hawak kong video,’” pahayag ni PLt.Col. Apolinario Lunar, Jr., hepe ng Tanauan City Component Police Station.

“Sabi nu’ng [lalaki] parang nagkakalabuan na sila, pero nagco-communicate pa naman, siguro nagkagalit lang dahil doon sa insidente ng video,” dagdag ni Lunar.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang mobile phone na pinaniniwalaang naglalaman ng sex video.

Nahaharap ang suspek sa kasong robbery at extortion. RNT/SA