MANILA, Philippines – Nalambat ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) ang isang babaeng pusher makaraang mahulihan ng ₱1.7 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Muntinlupa City noong Lunes ng hapon, Hunyo 22.
Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Glenn Oliver C. Cinco ang nadakip na suspek na si alyas Jane, 26, na bagong kinilalang high-value individual (HVI).
Sa report na isinumite ng DDEU kay Cinco, naisagawa ang matagumpay na operasyon bandang alas-2:40 ng hapon sa parking lot ng isang fast-food chain sa National Road, Barangay Tunasan, Muntinlupa City.
Tumayong poseur-buyer ang isang operatiba na nakipagtransaksyon sa suspek at, sa tulong ng mga tauhan ng District Intelligence Division (DID-SPD) at ng Sub-Station 1 ng Muntinlupa City Police Station, ay naging maayos ang pagsasagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.
Narekober sa posesyon ng suspek ang anim na sachet na naglalaman ng 250 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,700,000, brown handbag, cellular phone, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa laboratory examination, habang ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa DDEU custodial facility ay nahaharap naman sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“The arrest of a High-Value Individual and the seizure of ₱1.7 million worth of suspected shabu demonstrate the Southern Police District’s unwavering commitment to disrupting the illegal drug trade and preventing dangerous substances from reaching our communities. This accomplishment reflects the effectiveness of our intelligence-driven operations and the dedication of our personnel in pursuing drug personalities regardless of their status. We will continue to intensify our campaign against illegal drugs and ensure that those who profit from this illicit activity are held accountable before the law,” ani Cinco.