Home TOP STORIES Benitez pinuri si Carmelle Collado sa pagsungkit ng panalo sa Eurovision Asia

Benitez pinuri si Carmelle Collado sa pagsungkit ng panalo sa Eurovision Asia

6
0

MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon si House Special Committee on Creative Industries Chairperson at Negros Occidental Third District Rep. Javier Miguel “Javi” L. Benitez para bigyang pugay at pagkilala  ang Filipino singer na si Carmelle Collado dahil sa pagkakapanalo sa Eurovision Song Contest Asia na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 14.

Sa House Resolution No. 1625, iginiit ni Benitez na ipinakita ng pagkapanalo ni Collado ang husay sa artistry, versatility, at international competitiveness ng mga Filipino musicians.

Nakasaad din dito na binibigyang-diin ng tagumpay ang kahalagahan ng pagpapaunlad sa talento ng mga Filipino sa larangan ng sining at pagsuporta sa kanilang pakikilahok sa mga international artistic competitions.

Nanalo si Collado sa kantang “Sobra-Sobra,” na isang original Filipino song na nagbibigay-pugay sa lakas, tiwala sa sarili, at pagpapahalaga sa sarili ng mga kababaihan.

Nasungkit ni Collado ang Grand Final sa One Bangkok Forum matapos makakuha ng kabuuang 211 puntos—93 mula sa mga pambansang hurado at 118 mula sa boto ng publiko.

Nanguna siya sa dalawang kategorya ng pagboto sa gitna ng 11 bansang kalahok sa Asya. Alinsunod sa mga patakaran ng patimpalak, tig-50 porsiyento ang naging bahagi ng boto ng mga hurado at ng publiko sa pinal na resulta.

Nasungkit naman ni MANG x DAOU ng Thailand ang second place habang si Tóc Tiên ng Vietnam ang nanalo sa third place.

Nakuha ni Collado ang pagkakataong kumatawan sa Pilipinas sa Bangkok matapos magwagi sa Philippine Selection Night noong Agosto 30 sa Quezon City, kung saan tinalo niya ang siyam na iba pang kalahok.

Isinulat ang kantang “Sobra-Sobra” nina Nica del Rosario at Mat Olavides. Nabatid na ang patimpalak sa Bangkok ang kauna-unahang pagkakataon na pinalawak sa Asya ang format ng Eurovision Song Contest.

Mula pa noong 1956, taun-taon nang idinaraos ng European Broadcasting Union ang original contest. Ibinatay ni Benitez ang kanyang pagkilala sa Article XIV, Section 14 at 15 ng 1987 Constitution.

Itinatakda ng mga probisyong ito na dapat isulong ng Estado ang patuloy na pag-unlad ng pambansang kulturang Filipino at itaguyod ang mga artistic creations ng bansa.  (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here