MANILA, Philippines – Pinagtibay ng House of Representatives ang bersyon ng Senado ng panukalang batas na magbibigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kapangyarihang suspendihin o bawasan ang excise tax sa petrolyo sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Inaprubahan ito sa pamamagitan ng voice vote, na nagbigay-daan upang hindi na kailanganin ang bicameral conference committee dahil magkapareho ang bersyon ng dalawang kapulungan.
Sa ilalim ng Senate Bill 1982, maaaring gamitin ng Pangulo ang emergency powers kapag lumampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan bago ang pagpapatupad ng suspensyon o pagbabawas ng excise tax. Maaari itong ipatupad nang hanggang anim na buwan.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development, maaaring bumaba ang presyo ng diesel ng humigit-kumulang P6 kada litro at P10 kada litro naman para sa unleaded gasoline kung masususpinde ang buwis.
Dumating ang panukala sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis na maaaring umabot sa P114 kada litro para sa diesel at P91.60 para sa gasolina, bunsod ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Nauna nang hinikayat ni House Ways and Means chair Rep. Romero Quimbo ang Kamara na aprubahan ang bersyon ng Senado upang mapabilis ang pagpasa ng panukala. RNT