Home HOME BANNER STORY 2 utas, 3 sugatan sa araro ng 10-wheeler truck sa Tagaytay–Santa Rosa...

2 utas, 3 sugatan sa araro ng 10-wheeler truck sa Tagaytay–Santa Rosa Road

214
0

MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi habang tatlo ang nasugatan sa banggaan ng siyam na sasakyan sa Tagaytay–Santa Rosa Road sa Barangay Puting Kahoy, Silang, Cavite nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang isa sa mga nasawi bilang drayber ng motorsiklo, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang limang taong gulang na batang babae na tumatawid papasok sa paaralan.

“Itong isa ay na-identify na natin na drayber ng motor while yung isang biktima ay undetermined pa kung saan siyang sasakyan nakasakay,” ani Lt. Col. Joseph Macatangay, hepe ng Silang Municipal Police Station.

Batay sa CCTV, bandang 7:20 ng umaga nang araruhin ng isang 10-wheeler truck na patungong Santa Rosa City ang mga sasakyan sa unahan nito, na nagdulot ng sunod-sunod na banggaan na kinasangkutan ng walong iba pang sasakyan kabilang ang SUV, van, kotse, motorsiklo, at mga nakaparadang sasakyan.

Nagpatuloy ang takbo ng trak nang mahigit isang kilometro bago ito iniwan ng drayber sa Barangay Santo Domingo, Santa Rosa City.

“According sa mga eyewitnesses natin noong bumaba yung drayber ng trak nanigarlyo pa siya then naglakad papalayo and then sumakay ng sasakyan,” ani Macatangay.

Sa paunang imbestigasyon, posibleng nawalan ng preno ang trak habang pababa sa kalsada at mabilis ang takbo nito.

“Doon pa lang daw sa taas sigaw na nang sigaw yung drayber. Tapos banda dito po umano na po nagrambolan na ang mga sasakyan, ang bilis po ng sasakyan,” ayon kay Marie Velasco, isang saksi.

Ayon sa mga awtoridad, kilala ang lugar bilang accident-prone. Natukoy na ang drayber ng trak at kasalukuyang tinutugis, at haharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple physical injuries, at damage to property. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here