MANILA, Philippines- Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang pag-angkat ng 30,000 metric tons (MT) ng isda ay makatutulong para mapanatiling matatag ang suplay sa lokal na pamilihan sa panahon ng taunang ‘closed fishing season’ na itinakda tuwing Nov. 1 hanggang Jan. 31.
Sa isang panayam, sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na ang supplementary importation ay makakapunan sa supply gap at matitiyak na matatag ang presyo sa lokal na pamilihan sa gitna ng inaasahang limitadong huli sa nasabing panahon.
“Para magkaroon ng pagkakataon ang ating mga mamimili na makapamili ng ayon sa kanilang budget, makapamili ng isda na hindi mabigat sa kanilang bulsa, kailangan may sapat na supply. So, may mga alternatibong supply para sa ating mga mamimili,” ang sinabi ni Briguera.
“Ang sinisiguro natin, mapanatili ang affordable na presyo ng ating mga isda sa mga palengke sa panahon ng closed fishing season,” dagdag niya.
Binanggit nito na ang imported fish mula Vietnam at Tsina ay darating kada batch, simula sa katapusan ng Oktubre o unang linggo ng Nobyembre, tamang tama sa panahon para sa closed fishing season.
Nakatakda namang ipag-utos ng BFAR ang closed fishing season sa North Eastern Palawan, pangunahing pinagkukunan ng galunggong o mackerel scad ng Pilipinas mula Nov. 1, 2024 hanggang Jan. 31, 2025.
Susundan naman ito ng closed fishing sa Visayan Sea at Zamboanga Peninsula mula Nov. 15, 2024 hanggang Feb. 15, 2025 para sa small pelagic fish gaya ng sardinas.
Pinapayagan sa taunang closed fishing season ang punuin ang fish stocks at pabilisin ang pagpaparami at paglago ng marine resources. Kris Jose