MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Bureau of Immigration sa mga biyahero na dumaan sa mga paliparan ngayong Holy Week na dumating hindi bababa sa tatlong oras bago ang flight upang maiwasan ang abala sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng pasahero.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nagdagdag na ng mga tauhan sa mga pangunahing international airport upang asikasuhin ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero.
Pinayuhan din ang mga biyahero na siguraduhing kumpleto ang kanilang travel documents bago bumiyahe upang maging mabilis ang proseso sa immigration.
Para sa mga dayuhang nanatili sa Pilipinas nang higit sa anim na buwan, kinakailangan ang Emigration Clearance Certificate (ECC) bago umalis ng bansa. Ang mga may ACR I-Card naman ay kailangang kumuha ng re-entry permit.
Kinakailangan din ng mga government employees ang travel authority mula sa kanilang ahensya, habang ang mga menor de edad na mag-isang bibiyahe ay dapat may clearance mula sa Department of Social Welfare and Development.
Ayon sa BI, patuloy din ang paggamit ng e-gates at eTravel system upang mapabilis ang proseso sa immigration at mabawasan ang pila sa mga paliparan.
Tinatayang aabot sa mahigit 1.35 milyong pasahero ang dadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa peak travel period ngayong Holy Week. RNT/MND