MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na malaki ang posibilidad na nakaalis ng bansa si dating presidential spokesperson Harry Roque gamit ang parehong ruta ni Alice Guo.
Ang naturang pahayag ay ibinunyag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado sa ginanap na Senate subcommittee on justice and human rights hearing nitong Martes.
“Atty. Roque has no recorded departure in the BI’s records, he most likely took the same route as Alice Guo in leaving the country by using a backdoor exit in Tawi-Tawi,” ani Viado.
Sa pagtatapos ng kanyang maikling presentasyon, sinabi ni Viado na ang sinumang makapangyarihang indibidwal na suportado ng Philippine offshore gaming operators (Pogos) o may access sa pagpopondo at mga mapagkukunan tulad ng Pogos ay madaling makalusot sa ating mga hangganan at makapasok sa ibang mga kalapit na bansa.
Sinabi ni Viado na mahirap para sa BI na eksaktong tukuyin ang dagat o paliparan na ginamit ng mga Pogo upang matulungan si Alice o Roque na makatakas.
Gayunman, sinabi niya na patuloy nilang susubukan kung paano naitago ng mga Pogos ang mga undesirable aliens.
Sina Alice at ang kanyang mga kapatid na sina Shiela at Wesley ay pinaniniwalaang ginamit ang backdoor ng Tawi-Tawi upang makatakas sa hurisdiksyon ng Pilipinas nang hindi natukoy.
Ito ang ibinunyag ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director Ferlu Silvio sa pagdinig ng komite noong Marso 4.
Ayon kay Silvio, na-monitor din ng NICA ang paglalakbay ni Roque mula Zamboanga patungong Tawi-Tawi noong Setyembre 2, 2024. Aniya, pagkarating ni Roque sa Tawi-Tawi, wala nang ibang lumabas na impormasyon.
Si Roque ay nasa Netherlands sa kasalukuyan kung saan siya ay kumikilos bilang miyembro ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Ang dating presidential spokesperson ay idinadawit sa qualified human trafficking case laban kay Cassandra Li Ong at ilang iba pa hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng Pogo hub na Lucky South 99 Corp.
Nabatid na mayroon siyang outstanding arrest order mula sa House of Representatives matapos itong i-cite for contempt at ipag-utos na ikulong dahil sa kabiguan niyang magsumite ng mga dokumento na magbibigay-katwiran sa umano’y biglaang pagtaas ng kanyang yaman.
Nauna nang sinabi ng BI na malamang na umalis siya ng bansa sa pamamagitan ng ilegal na paraan. JR Reyes