
MATAGAL pa bago matapos ang usapang impeachment lalo na’t paiba-iba ang mga naglalabasang balita na nagmumula sa mismong bibig ng mga senador na tatayong mga hukom at mga kongresista na silang naghain ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Pinakahuli ngang pinagpiyestahang usapang impeachment ang pahayag ni Senate President Francis Escudero na hindi na raw sa Hunyo kundi sa Hulyo na masisimulan ang paglilitis kay VP Sara sa oras na matapos ang State of the Nations Address of SONA ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Kanya-kanyang taasan ng kilay, kunot noo, at iba pang facial reaction ng mga sumusubaybay sa impeachment habang kanya-kanya na ring labasan ng opinyon ang mga pro at against sa impeachment kay VP Sara.
Sabi kasi ni Escudero, marami pa silang dapat pag-aralan at iba pang mga gawain kaya kulang na kulang ang panahon kung kaagad nilang aapurahin ang paglilitis partikular na rito ang magiging komposisyon ng Senado sa oras na matapos na ang halalan.
Hindi pa kasi alam kung sino sa 12 Senador ang makakasama ng 12 na nananatiling nakaupo at malalaman lamang ito sa magiging resulta ng halalan sa Mayo 12.
Ngayon, marami na ang bumabatikos sa ilang mga uupong senador na magsisilbing hukom, na kung hindi man hayagang nagpahiwatig ng pagkiling sa acquittal o pagpapawalang-sala kay VP Sara, alam naman ng lahat ang kanilang papanigan kahit hindi pa nakikita o napag-aaralan ang ebidensya.
May isa ngang bantog na senador na nagpahayag na ipapawalang-sala raw niya si VP Sara dahil batid niyang wala namang kasalanan habang may isa naman na nagpahayag na hindi talaga siya pabor sa impeachment.
Sabi nga sa mga komento ng netizens, dapat ay mag-inhibit ang mga mambabatas na uupong hukom kung ngayon pa lang na hindi pa nag-uumpisa ang trial ay may sarili na silang conviction.
Yung mga hukom sa mga Mababang Hukuman na makikitaan ng pagkiling sa nililitis na kaso ay kaagad na hinihiling na mag-inhibit sa hinahawakang kaso (Talaga bang yan ang nangyari? – Ed) kaya dapat, ganito rin ang ipatupad sa mga senador na mayroon agad pagkiling sa inaakusahan.
Kung mayroon mang mga ganito tayong uri ng mambabatas na tila binabalewala ang rule of law, kasalanan din ito ng mga botante dahil iniluklok nila sa Senado ang hindi kwalipikadong politiko. (Yan totoo,- Ed)