
KAHIT saan tila may mga iligal na droga.
May dumarating mula sa ibang bansa at dumaraan sa ating mga pier at paliparan.
Pawang malalaki ang bulto ng mga ito mula party drugs hanggang sa cocaine at shabu.
May mga gawang Pinas din gaya ng mula sa nadiskubre lang kamakailan makaraang may pagsabog sa sa Tanza, Cavite.
May mga nasasamsam ang mga awtoridad ngunit ang malaganap na pagtutulak ay palatandaan ng malalaking bultong nakalulusot.
Mismong ang mga naaarestong tulak at adik kahit saan ay tanda rin ng malaganap na droga.
Katanungan ngayon kung totoong nagtatagumpay ang mga awtoridad sa kampanya laban sa droga.
Lumalabas ang katanungang ito dahil sa pagkakaiba ng sinasabi ng mga awtoridad at ng mga taga-barangay.
Habang sinasabi ng mga pulis at PDEA na nagtatagumpay ang kampanya, sinasabi naman ng mga taga-barangay na nagsisibalikan ang droga sa kanila, kasama ang mga tulak at adik na nagsiwalaan noong panahon ni dating Pangulong Digong Duterte.
Shabu, mga brad, ang pinakasikat sa lahat ng droga pero cocaine para sa mayayaman.
Bukod sa bunga ng mga iligal na droga na masama sa mga adik, nakatatakot ang mga uri ng krimen na nililikha ng mga ito.
Dito, ayon sa mga pulis, kumokonti ang krimen pero taliwas naman sa mga sinasabi ng mga taga-barangay.
Hindi lang naman kasi mga street crime gaya ng holdap sa kalsada at sasakyan lang ang pinag-uusapan kundi maging ang mga pagnanakaw sa loob ng bahay na ginagawa ng mga adik na miyembro ng pamilya upang may ipambili sila ng droga.
Naririyan din ang mga pagpatay, rape, pugot-ulo at iba pa.
Kung higit na totoo ang sinasabi ng mga taga-barangay kaysa sa mga awtoridad, paano nga kaya kalusin ang mga gumagawa at nagpapalaganap ng droga na sa ilang pagkakataon ay pinoprotektahan o kasama mismo ng mga awtoridad?