Home OPINION LAHAT NALULUNOD SA MAHAL NA PRESYO

LAHAT NALULUNOD SA MAHAL NA PRESYO


KAHIT sino ang tanungin mo, nalulunod lahat sa napakataas na presyo ng mga bilihin.

Pagkain gaya ng isda, karneng manok, baka at baboy, napakamahal na.

Makaraang aprubahan ng gobyerno ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahin o batayang bilihin, sumunod nitong inaprubahan ang pagtaas din ng presyo ng Pinoy Pandesal at Pinoy Tasty.

Sa darating na Pebrero, magtataas na rin ng singil ang National Grid Corporation of the Philippines kaya tataas din ang kuryente.

ANG ISDA, MANOK, BABOY AT BAKA

Kung mamamalengke ka, ang dating mga tig-P100 kada kilo na isda, ngayo’y P120 pataas na.

Ang manok, ngayon P180 na kada kilo mula sa dating P130 na mabilis na umakyat sa P150 at P180 kada kilo.

Ang baboy na dating P250 kada kilo, mabilis na umakyat sa P480 at halos magkapresyo na ito at ng baka.

TASTY, PANDESAL, PUTO, PANDESAL

Ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, nagmahal na rin ng P2-3.

Ang puto at kutsinta, ang dating tig-P2 kada piraso, ngayo’y P5 na ang para sa dalawang piraso.

Pare-pareho lahat ng ito na siyang pamalit sa bigas kung walang maipambili nito.

Always ready ang mga ito at hindi katulad ng bigas na kailangan mo pang lutuin at gumastos ng mahal na LPG o gaas para maging kanin.

BASIC AT PRIME COMMODITIES

Kasama naman sa inaprub ng gobyerno na nagmahal ang mga mga sardinas na tomato sauce, lahat ng uri ng gatas, lahat ng kape, lahat ng noodles, asin, bottled water na distilled, purified at mineralized water, kandila o sperma, luncheon meat, meat loaf, corned beef, beef loaf, suka, patis, toyo, sabo at baterya.

Hindi pa kasama rito, mga Bro, ang napakamamahal na ring gamit sa pagtatayo ng bahay mula sa semento, buhangin, graba, bato, hollow block hanggang sa yero, bakal, plywood, plyboard at iba pa at mga kailangan sa pagsasaka gaya ng abono, pestisidyo, makina, petrolyo na pampaandar ng mga makina at iba pa.

Ang semento, halimbawa, na dating P180 kada supot, ngayon mahigit nang P200.

Ang hollow block na de kwatro, ngayo’y P16 na kada piraso mula sa noo’y na P10 lang at ang plywood na 3/4 na dating nasa P800 lang, ngayon, P1,200 na.

Ang bigas, pilit na pinababa ng gobyerno ang presyo.

Ngunit masakit isipin at katotohanang nababalewala ang menos-presyo sa bigas ng pag-apruba naman ng pamahalaan sa lahat ng 62-77 produktong nabanggit.

TABINGING KALAGAYAN

Ngayong halalan, napakaraming isinusubo ang gobyerno gaya ng mga sari-saring ayuda ngunit may ilan sa mga ito na hanggang halalan lamang.

Ayon sa mga kritiko, kapag naipamigay na bago ang halalan ang tinatawag na AKAP na nagkakahalaga ng P3,000-P5,000 bawat benepisyaryo, di-end na ito.

Wala pang target na taong benepisyo ang AKAP at mangangalap pa lang sila ngunit tiyak na botante.

Sino-sino kaya ang mga ito?

Napakalaki talagang problema ang napakamamahal na bilihin sa harap ng malawak na kawalan o kakulangan ng kita.

At lahat ng P110 milyon Pinoy, kabilang ang kapanganganak na baby at patay na, sapol at nalulunod na sa napakamamahal na mga bilihin.

Kayong mga nasa gobyerno, ano-ano ang mga ginagagawa at gagawin ninyo?