MANILA, Philippines – Iimbitahan ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality ang umano’y big boss o kingpin ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa na si Lin Xunhan alyas Lyu Dong, para dumalo sa susunod na pagdinig, sinabi ni Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes, Oktubre 18.
“Susulat din kami sa korte o mga korte na may hawak sa mga kaso laban sa kanya para padaluhin din siya dito sa huling pagdinig, itong si Pogo Boss Lyu Dong,” saad sa pahayag ni Hontiveros.
Bagama’t tinawag na “good news” ni Hontiveros ang pagkakaaresto kay Lin Xiuhan, sinabi ng senador na maaaring may mas malalaki pang boss ang dapat na maaresto.
“Still, may mas malaking boss pa diyan na ‘di pa napapanagot. And dapat din natin silang mahuli din at dapat silang managot sa kanilang krimen laban sa napakaraming inosenteng tao,” ani Hontiveros.
Nitong Martes, Oktubre 15, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na nais niyang dumalo si Lin Xunhan sa susunod na imbestigasyon ng Senado dahil sa posibleng “revelations about the POGO in Bamban and how Guo Hua Ping (Alice Guo) is related to him and the POGO operations.”
Naniniwala siya na ang mga big boss na ito ay magkakakilala o magkakaugnay sa iba pang mga POGO hub sa bansa.
Matatandaan na naaresto si Lin, o kilala bilang si Lyu Dong, Boss Boga, Boss Apao, o Boss Bahaw, sa residential subdivision sa Laguna noong Oktubre 10.
Isa sa mga indibidwal na dating nagtrabaho para kay Lin ang nakakita kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nakikipagtransaksyon sa kanilang boss.
Sinabi pa ng saksi na si Guo ay kilala bilang si “Madam Wah.”
Itinanggi naman ng abogado ang mga alegasyon ni Guo.
“Wala. Hindi niya kilala. Sabi niya sa akin hindi niya kilala,” anang legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David. RNT/JGC